top of page
Search
BULGAR

Mabisang gamot para sa kirot at pamamanhid ng mga Diabetic


ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 20, 2022




Dear Doc Erwin,


Ako ay matagal na ninyong tagasubaybay. Ako ay 35 years old, may Type 2 diabetes at kasalukuyang umiinom ng mga gamot na prescribed ng aking doktor. Isa sa mga gamot na aking iniinom ay ang Alpha Lipoic Acid. Ano ba ito at makatutulong ba ito sa aking diabetes?


Para sa inyong kaalaman, madalas akong makaramdam ng pamamanhid at minsan ay kirot sa aking paa. Bukod sa tumataas ang aking blood sugar, mataas din ang aking lipid profile. – Rommel


Sagot


Maraming salamat Rommel sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at sa pagsubabay sa ating health column.


Ang Alpha Lipoic Acid o ALA ay antioxidant na kilala rin sa tawag na Acetate Replacing Factor. Ito ay isang uri ng fatty acid na ginagawa ng ating katawan at makikita rin sa ating mga pagkain, tulad broccoli, spinach at patatas. Makikita rin ito sa mga karneng laman-loob. May mga herbal health supplements din na naglalaman ng Alpha Lipoic Acid.


Ang Alpha Lipoic Acid, ayon sa Health Encyclopedia ng University of Rochester Medical Center ay ginagamit upang gamutin ang tinatawag na diabetic neuropathy.


Ang diabetic neuropathy ay sakit dahil sa nerve damage na nakikita sa mga taong may diabetes.


Ang kadalasang sintomas nito ay pamamanhid, kirot, cramps o ulcer at infection sa mga paa.


Ang nabanggit mo sa iyong liham na pamamanhid at kirot sa iyong mga paa ay maaaring sintomas na ng diabetic neuropathy. Ito marahil ang dahilan kung bakit ikaw ay pinaiinom ng iyong doktor ng Alpha Lipoic Acid.


Tingnan natin ang mga scientific studies sa Alpha Lipoic Acid at epekto nito sa diabetic neuropathy. Ayon sa isang review study na inilathala noong 2014 sa scientific journal na Expert Opinion in Pharmacotherapy, ang Alpha Lipoic Acid ayon sa maraming clinical trials at meta analysis studies ay mabisa at safe na gamot sa diabetic neuropathy. Base sa pag-aaral, maaari itong gamitin sa mga diabetic na maagang nagpapakita ng mga sintomas ng diabetic neuropathy, kung saan malamang na makita agad ang clinical improvement.


Ayon dito, malaki ang maitutulong sa iyo ng Alpha Lipoic Acid dahil maagang nakita sa ‘yo ang mga senyales ng diabetic neuropathy at base sa pag-aaral sa mga tulad mo makikita ang mabilis na clinical improvement.


Ayon sa pag-aaral na nabanggit, maaari rin gamiting gamot ang Alpha Lipoic Acid sa mga indibidwal na may diabetic neuropathy na may iba pang sakit o co-morbidities, kung saan hindi maaaring gamitan ng ibang analgesics.


Sa meta-analysis study, kung saan ang resulta ay inilathala sa medical journal na Metabolism noong October 2018, nagkaroon ng systematic review ng mga randomized clinical trials tungkol sa epekto ng Alpha Lipoic Acid sa blood sugar level at lipid profile ng indibidwal na may metabolic diseases tulad ng diabetes. Ayon sa mga researchers, dahil sa pag-inom ng Alpha Lipoic Acid supplements ay bumaba ang blood sugar level, insulin level, insulin resistance at hemoglobin A1c, ng mga participants. Bumaba rin ang triglycerides at LDL cholesterol ng mga uminom ng Alpha Lipoic Acid.


Base sa pag-aaral na nabanggit at sa resulta na nakita sa iba’t ibang randomized clinical trials ay makatutulong sa iyong mataas na blood sugar level at lipid profile ang pag inom ng Alpha Lipoic Acid supplement.


May karagdagang tulong na maidudulot pa ang Alpha Lipoic Acid sa mga indibidwal na may Type 2 diabetes na tulad mo. Ayon sa 2013 study na nai-publish sa Journal of Neurodegenerative Diseases ang Alpha Lipoic Acid therapy ay mabisa at nakapagpapabagal ng cognitive decline sa indibidwal na diabetic na may Alzheimer’s Disease at Insulin Resistance.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page