ni Ryan Sison - @Boses | April 17, 2021
Kani-kanyang diskarte ang mga lokal na pamahalaan sa pamimigay ng ayuda para sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad noong unang linggo ng Abril.
Mayroong mga pinapila sa barangay hall kung saan nagdagsaan ang mga tao, na naging dahilan para abutin ng magdamag ang maraming benepisaryo, gayundin upang malabag ang mga umiiral na health protocols.
Gayunman, sa ibang lugar, nagbahay-bahay ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan para mas mabilis na maipamahagi ang ayuda sa kanilang mamamayan.
Ngunit sa kabila ng pagsisikap upang patuloy na maipamahagi ang ayuda kahit nagkaroon ng iba’t ibang problema, hindi maiiwasang ito ay mapuna.
Dahil dito, aminado ang chairman ng Metropolitan manila Development Authority (MMDA) na hindi mabisang paraan ang pagbabahay-bahay para mamigay ng ayuda sa mga komunidad sa Metro Manila dahil mabagal na naihahatid ang mga tulong.
Bagama’t totoong mabagal ang pamimigay ng ayuda kung magbabahay-bahay pa, matatandaang inireklamo ng mga benepisaryo ang pagpapalabas sa kanila para matanggap ang P1,000 hanggang P4,000 na ayuda sa halip na magbahay-bahay upang hindi sila mapilitang lumabas.
Isa pa, kamakailan ay nagbabala ang Department of Health (DOH) na posibleng maging “super spreader” ng virus ang mga kasalukuyang ginaganap na bigayan ng ayuda at maging ang “vaccination” ng mga lokal na pamahalaan dahil sa pagkukumpulan ng mga tao sa venue.
Sa totoo lang, parehas namang may punto ang DOH at MMDA chairman, pero ang tanong, ano bang mas dapat tutukan, ang mabagal na pamimigay ng ayuda o mabilis na pagkalat ng virus?
Gayundin, totoong kailangang-kailangan ng taumbayan ang tulong-pinansiyal na ito, pero ‘wag nating kalimutan na mahalaga ring maiwasan ang pagdami ng tinatamaan ng sakit.
Kaya kung may dapat man tayong iprayoridad, ito ay ang pagtutok sa mga hakbang upang maiwasan ang hawaan, at isa na rito ang pagbabahay-bahay sa pamamahagi ng ayuda nang sa gayun ay hindi malagay sa panganib ang mga benepisaryo. ‘Yun nga lang, kailangan pang maging madiskarte ng mga lokal na pamahalaan upang magawa ito nang mabilis at epektibo.
‘Ika nga, tiyaga pa more para sa ikabubuti ng nakararami.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Opmerkingen