ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 1, 2024
Maiibsan na ang inggit na nararanasan ng ating mga kababayan sa mga bansang matutulin ang internet dahil aprubado na ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), ang P16.1 bilyong Philippine Digital Infrastructure Project na naglalayong pagandahin ang internet service sa bansa at bibigyan ng mabilis na internet kahit sa mga liblib na lugar.
Ipinaliwanag ng NEDA na uutangin sa World Bank ang pampondo sa PDIP na flagship program ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Napag-alaman na base sa ilalim ng naturang proyekto, gagawa ng public broadband infrastructure network na may backbone network, middle-mile network, access network, net-work security at project management support.
Marami nga namang nagbukas na mga pagkakataon para sa mga tao ang broadband services tulad ng mga work-from-home arrangement.
Nagsimula nang magbigay ng maraming oportunidad ang paggamit ng internet – kaya napapanahon ang proyektong ito upang mapalakas ang koneksyon ng mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo para mapaunlad pa ang ating bansa.
Noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, nagkaroon na rin ng plano para sa national broadband network. Ang proyekto ay nagkakahalaga dapat ng $329 milyon at Chinese na kumpanya ang gagawa ngunit, inulan ito ng kung anu-anong kontrobersiya dahil sa pulitika hanggang sa kinansela na ito.
Sana naman ay hindi na maulit ang pangyayari upang magtuluy-tuloy na ang proyekto at sa huli ay pakinabangan na ng bansa ang hakbanging ito na matagal nang inaasam ng mga kababayan.
Bukod sa napakaraming imprastraktura ay maituturing na isa na namang legasiya ng kasalukuyang administrasyon kung magiging matagumpay ang naturang project.
Napakalaking tulong din nito sa mga mag-aaral na nasa bulubunduking bahagi ng bansa na kailangang maglakad ng malayo para magkahanap lamang ng signal.
Mabibigyan na ng solusyon ang suliranin ng mga guro tuwing magkakaroon ng online schooling na kinakailangan pang umakyat sa matataas na lugar para makapagturo online.
Magiging mabilis na rin ang pagbibigay ng tulong at iba pang serbisyo ng pamahalaan sa mga lalawigang sinalanta ng kalamidad kung magiging maayos na ang serbisyo ng internet.
Ngayon pa lamang ay excited na ang marami sa ating mga kababayan sa proyektong ito na sana ay masimulan na sa lalong madaling panahon.
Nagpapasalamat din tayo kay PBBM dahil sa pagtalima sa problemang ito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments