ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 6, 2022
Sa pagbubukas ng 19th Congress sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., patuloy ang ating adhikain na gawing mas mabilis, maayos at maaasahan ang serbisyo publiko para sa bawat Pilipino. Noong Lunes ay nagsimula na ang pagpa-file ng mga panukalang batas sa Senado — kasama ang ating mga ipaglalaban upang magkaloob sa mga Pilipino ng komportableng buhay.
Sa katunayan, nakapagsumite agad tayo ng 20 prayoridad na panukalang batas, na batay sa naging karanasan at obserbasyon natin sa nakalipas na anim na taon na bahagi na tayo ng national government bilang special assistant ni dating pangulong Rodrigo Duterte hanggang sa ihalal ang inyong lingkod bilang senador, dapat maisulong at maisabatas dahil kailangan ang mga ito ng ating mga kababayan.
Kabilang sa ating isinumite na 20 prayoridad na panukalang batas ang Department of Disaster Resilience, Annual Medical Check Up covered by PhilHealth, Comprehensive Dialysis Benefit Package, Advanced Nursing Education, Rental Housing Subsidy, Mandatory Evacuation Center, E-governance, Center for Disease Control and Prevention, Virology Science and Technology Institute of the Philippines at Magna Carta for Barangays.
Kabilang din ang Magna Carta of PDEA Officers and Personnel, Rural Employment Assistance, Emergency Medical Services System, Free Legal Assistance to AFP and PNP Enlisted Personnel, Philippine National Games, One Town One Product, Amendments to the Insurance Code, National Housing Development Production and Financing Program, Barangay Health Workers at Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center.
Prayoridad talaga natin ang panukalang magtatag ng Department of Disaster Resilience dahil napakahalaga nito sa ating kasalukuyang panahon na napakaraming bahagi ng ating bansa ang madalas tamaan ng bagyo, baha, lindol o pagputok ng bulkan.
Mahalaga ang disaster preparedness at mas maisasagawa ito nang maayos kung may isang departamento na pamumunuan ng Cabinet secretary na tututok at mangangasiwa sa panahon ng emergency. Bago pa man dumating ang sakuna ay napaghandaan na ito at magiging mabilis din ang pagbangon ng mga komunidad mula sa anumang kalamidad.
Kaugnay ito ng isinusulong nating Mandatory Evacuation Center sa bawat munisipalidad, lungsod at lalawigan. Ang mga kababayan nating nawalan ng tirahan tuwing may sakuna at kalamidad ay kailangang may matutuluyan na may maayos na pasilidad at kumpleto sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Kaakibat nito, nariyan ang Rental Housing Subsidy na magbibigay ng subsidiya sa mga nawalan ng tahanan para makaupa sila ng maayos na tirahan habang wala pa silang permanenteng tahanan.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, kung inyong mapapansin, karamihan sa mga panukalang batas na isinumite natin ay may kinalaman sa pagpapalakas sa ating healthcare system. Nasaksihan nang pumutok ang pandemya kung paano nagsisiksikan ang mga pasyente sa ospital na hanggang sa mga pasilyo ay may ginagamot. Nahirapan din ang ating mga medical frontliners dahil kulang sa kagamitan. Kailangang mapalawak ang kaalaman ng ating mga nurses at mapataas ang kanilang sahod. Importante ring magtayo tayo ng research institute para sa mga bagong sumusulpot na sakit para maagap din tayo sa pagkontina nito.
Napakahalaga sa kalusugan ng mga Pilipino, kaya umaasa tayong maisasabatas ang libreng annual medical check-up para sa lahat.
Layunin natin ang pagsulong at pag-unlad ng malalayong komunidad. Kailangang i-promote ang mga produkto ng bawat bayan para matulungan ang kanilang MSMEs at paglikha ng hanapbuhay sa mga residente.
Dapat maganda ang mga ipinagkakaloob na pribilehiyo at benepisyo sa mga lokal na opisyal mula sa barangay kapitan hanggang sa tanod, tulad ng natatanggap ng mga regular na empleyado at maging ng mga barangay health workers.
Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, kabilang sa mga batas na isinulong ang patuloy na pagpapalawak sa sports programs at pagtuklas sa kabataang may talento sa palakasan.
Hindi rin natin kinaligtaan ang mga nalulong sa ilegal na droga dahil kailangan silang tulungan ng pamahalaan. Dapat magtayo ng drug abuse treatment and rehabilitation centers para sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na tuluyang mawala na sa ating lipunan ang problema sa droga — na isa sa mga pangunahing adhikain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kasabay nito, isinulong natin ang pagkakaloob ng maayos na kompensasyon sa mga taga-PDEA at ang pagkakaloob ng free legal assistance sa mga miyembro ng AFP at PNP.
Noong nakaraang 18th Congress, masaya nating ibahagi na meron tayong isang dosenang panukalang nai-file na naisabatas, tulad ng Malasakit Centers Act, Salary Standardization 5, Barangay and Sangguniang Kabataan Elections Postponement, Department of Migrant Workers, Bureau of Fire Protection Modernization, Expanded Solo Parents Welfare Act, National Academy of Sports, Southeast Asian University of Technology, Metropolitan Davao Development Authority, Allowances and Benefits for Healthcare Workers, Marawi Siege Victims Compensation at Extending Voters Registration. Kasama ang aking mga kapwa mambabatas, meron din akong 70 principally sponsored, 20 co-authored at 101 co-sponsored na mga panukalang naisabatas.
Tuloy lang tayo sa tahimik ngunit walang tigil na pagseserbisyo sa inyo, mga kapwa natin Pilipino. Asahan n’yo na nandirito tayo na susuportahan ang Administrasyong Marcos at maglilingkod sa inyo sa abot ng ating makakaya basta sa ikabubuti ng bawat Pilipino at ng buong Pilipinas.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments