top of page
Search
BULGAR

Mabilis at maaasahang serbisyong pangkalusugan

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | May 26, 2021



Bilang Chair ng Senate Committee on Health and Demography, isa sa mga pangunahing layunin natin ay ang magsulong ng mga panukalan-batas na magsisigurong lahat ng mga nangangailangan ng serbisyong medikal ay hindi mapapabayaan.


Mahirap magkasakit, lalo na sa panahon ngayon. Huwag nating hintayin na sarili nating kaibigan, pamilya o tayo mismo na ang nakaratay sa labas ng ospital at naghihintay ng agarang tulong ngunit kulang ang kama, kagamitan at pasilidad ng pinakamalapit sa lugar natin.


Kaya naman, isinusulong natin ang mga panukala sa Kongreso na naglalayong maisaayos ang ilan sa mga pampublikong ospital sa iba’t ibang lokalidad sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga kama at kagamitan, pagpapaigting ng kanilang kapasidad, o pagtatayo ng mga bagong pasilidad sa tulong ng national government.


Naipasa na sa Mababang Kapulungan ang mga panukalang ito. Kapwa nagpahayag na rin ng buong suporta ang Department of Health at ang Department of Budget and Management. Kung kaya’t huwag sana nating patagalin pa sa Senado ang mga bagay na makatutulong sa taumbayan ngayon.


Sa ating walang tigil na pagresponde sa pandemya, nagtatayo tayo ngayon ng temporary facilities para madagdagan ang ating ealthcare capacity. Samantalang itong mga panukalang batas ay permanenteng maisasaayos ang mga pasilidad na meron na tayo. Hindi lang ito para sa kasalukuyan, ngunit para rin mapakinabangan ng ating mga anak at apo. Kahit wala na tayo sa mundong ito, ang pagsasabatas sa mga ito ay makakabenepisyo pa sa susunod na mga henerasyon.


Nais din nating magdagdag ng medical personnel sa mga ospital na ito. Marami na sa health workers ang pagod na, samantalang tayo ay nasa ating mga kamay na ang solusyon upang matulungan sila, pero mas gusto pa nating magdebate kaysa umaksiyon. Tandaan natin na buhay ng kapwa natin Pilipino ang nakasalalay sa bawat oras na ating sinasayang.


Habang nagdedebate tayo tungkol sa mga polisiya na dapat ipatupad, hahayaan na lang ba natin ang mga ating kababayan na naghihingalo at naghihirap?


Ramdam natin ang problema sa baba mula mismo sa mga kababayan natin dahil tayo mismo ang pumupunta sa kanila. Kawawa ang mga Pilipino kaya sana ay maging bukas tayo sa ganitong malilinis na hangarin. Huwag nating ipagkait sa tao ang serbisyong dapat nilang makuha mula sa gobyerno.


Alam nating parte ng ating trabaho ang pagdiskusyunan ang mga polisiya, ngunit may tamang panahon para rito dahil nasa gitna tayo ng pandemya. Ang kailangan ng mga tao ngayon ay ang aksiyon, hindi ang diskusyon. Ginagampanan lang natin ang tungkulin bilang senador at boses ng taumbayan na humihingi ng tulong sa national government na tugunan ang pangangailangan nila sa kalusugan.


Samantala, masaya tayong ibinabalita na nakamit na ng Pilipinas ang daily jab record natin with 237,984 vaccines administered noong Biyernes, Mayo 21. Malapit na rin nating maabot ang one million mark sa individuals with full doses, at four million sa total vaccines administered.


At ngayong umaarangkada na ang ating pagbabakuna, umaapela tayo na isaalang-alang din ang pangangailangan ng ating OFWs na nabibilang sa kasunod na kategorya na babakunahan.


Hangga’t maaari, mag-allocate tayo ng bakuna na angkop para sa kanila at tanggap sa bansang kanilang pagtatrabahuhan.


Sa panahon ng pandemya, nakita natin ang mga aspeto ng sistema na dapat ayusin upang mabigyan ang ating mga kababayan ng maayos na serbisyo. Huwag sanang maging hadlang ang pulitika para maipasa ang mga panukalang ito. Magtulungan at magbayanihan tayo, alang-alang sa mga Pilipino.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Commenti


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page