ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 29, 2021
Malaking bawi ang layunin ngayong araw ng mga beteranong Paralympian Ernie Gawilan ng Swimming at Jerrold Pete Mangliwan ng Athletics sa pagpapatuloy ng aksyon ng Tokyo 2020 Paralympics. Matapos ang isang araw ng pahinga kahapon, handa na ang dalawa na ipagpatuloy ang paghahanap ng unang medalya ng Pilipinas sa pandaigdigang palaro.
Sasalang si Gawilan sa kanyang paboritong 400M Freestyle T52 simula 8:00 a.m. sa Tokyo Aquatics Center. Maganda ang pag-asa ng Pinoy dahil walo sa siyam na kalahok ang tutuloy sa finals sa 4:00 p.m.
Dala ang sinumiteng oras na 4:51.00, mabigat ang makakalangoy ni Gawilan sa pangalawang qualifying heat sa pangunguna ni Mark Malyar ng Israel na may hawak ng World Record na 4:33.64. Ang iba pang kalaban ay sina Inaki Basiloff ng Argentina (4:41.71), Francisco Bicelli ng Italya (4:44.90) at Chen Liang-da ng Chinese-Taipei (5:10.75).
Nasa unang Heat sina Andrii Trusov ng Ukraine (4:40.07), Evan Austin ng U.S. (4:42.28), Andrei Gladkov ng Russian Paralympic Committee (4:47.20) at Toh Wei Soong ng Singapore (5:01.97). Lumalabas na ang 2018 Asian Para Games gold medalist Gawilan ang may ika-7 pinakamabilis na oras, mas mabilis sa mga kapwa-Asyanong sina Toh at Chen.
Samantala, kakalimutan ni Mangliwan ang bangungot ng karera sa 400M T52 noong Biyernes ng gabi sa paglahok sa 1,500M T52 Wheelchair Race Finals simula 7:40 ng gabi sa Olympic Stadium. Pito lang ang nakalista subalit lahat sila ay kilala na ni Mangliwan matapos magharap sa 400M kung saan nadiskwalipika siya bunga ng pagpasok sa lane ng kalaro.
Malaki ang bubunuin ni Mangliwan na may pinakamabagal na isinumiteng oras na 4:09.95. Mabigat ang mga makakatapat sa pangunguna ni Tomoki Sato na may hawak ng World Record na 3:25.08 at defending champion Raymond Martin ng U.S. na may-ari ng Paralympic Record na 3:40.63 noong Rio 2016.
Sina Sato at Martin ang nakakuha ng ginto at pilak sa 400M noong Biyernes. Ang iba pang kakarera ay sina Thomas Geierspichler ng Austria (3:48.54), Hirokazu Ueyanabaru ng Japan (3:49.25) na tanso sa 400M, Leonardo de Jesus Perez ng Mexico (3:50.04) at Isaiah Rigo ng U.S. (3:43.41) na kasamang na-diskwalipika ni Mangliwan sa 400M.
Ang 27-anyos na si Martin ay may lahing Filipino at beterano ng nakaraang dalawang Paralympics. Umani ng 4 na ginto sa London 2012 sa 100M, 200M, 400M at 800M T52 at dinagdagan ang koleksiyon ng 2 ginto sa 400M at 1,500M at pilak sa 100M T52 sa Rio 2016.
Lumalayo na ang Tsina sa paramihan ng medalya na may 19 ginto, 10 pilak at 17 tanso. Umangat ang Russian Paralympic Committee sa 2nd place (10-7-11) at pangatlo ang Gran Britanya (9-10-10).
Comments