ni ATD - @Sports | December 4, 2020
Wala na sa kukote ng Barangay Ginebra Gin Kings ang coronavirus (COVID-19) dahil naka-pokus na sila sa pagbaon sa TNT Tropang Giga.
Tangan ng Gin Kings ang 2-0 bentahe, haharapin nila ang Tropang Giga sa Game 3 ng Philippine Cup finals ngayong alas-6 ng gabi sa AUF Sports Gym sa Clark, Pampanga.
Muling sasandalan ng Barangay Ginebra sa opensa si Stanley Pringle upang ilista ang 3-0 sa kanilang best-of-seven series at masilo ang inaasam na kampeonato.
Kumana si Pringle ng 34 points, walong assists at anim na rebounds upang akbayan ang Gin Kings sa 92-90 panalo laban sa TNT sa Game 2 noong Miyerkules ng gabi.
Inaalat sa opensa sina LA Tenorio at Scottie Thompson pero nakagawa sila ng importanteng plays sa endgame. "Scottie was struggling, LA was struggling, and for a while, Stanley was struggling, but of course he exploded. Japeth, (Aguilar) was struggling, so the whole first five really struggled coming out of the game," saad ni Barangay Ginebra coach Tim Cone.
Natambakan ng mahigit 10 puntos ang Ginebra sa third period pero nakahabol agad ito papasok ng fourth quarter. "We're able to make some stops and the game turned around," hayag ni Cone. "Scottie just hit that big three-pointer in the Meralco series, and now he comes up with another big three-pointer to give us the lead."
Para sa Tropang Giga, tiyak na gagawin nila ang lahat upang makasagot ng panalo at hindi mabaon sa serye.
Huhugot ng puwersa ang Tropang Giga kina Jayson Castro, RR Pogoy at Troy Rosario para manatiling malakas ang kanilang asam na korona.
Samantala, hindi na gumugulo sa isip ng mga natirang teams ang COVID-19 lalo na at sila na lang ang natitira sa loob ng PBA bubble.
Lahat ng naligwak na koponan ay pinauuwi upang mas maging ligtas ang mga tao sa bubble laban sa mapanganib na coronavirus. Sinisiguro ng PBA na wala ng magiging positibo sa COVID-19 hanggang sa matapos ang season.
Commentaires