ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | February 28, 2023
Ngayong nababahala ang isang advocacy group sa nananatiling mababang passing rates sa mga kumukuha ng Licensure Examination for Teachers (LET), iginiit naman ng inyong lingkod ang pangangailangan para ganap na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713).
Base sa pag-aaral ng Philippine Business for Education hinggil sa mga resulta ng Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) mula 2010 hanggang 2022, 37 porsyento lamang ang passing rate sa mga overall takers sa elementary level at 40 porsyento naman sa secondary level.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na batay sa overall passing rates ng mga Teacher Education Institutions (TEIs) na mayroong takers na hindi bababa sa 300, 2.2 porsyento lamang ang mga maituturing na high-performing TEIs sa elementary level at 2.0 porsyento lamang sa secondary level. Saklaw ng resultang ito ang pito sa 12 taong bahagi ng pag-aaral. May overall passing rate na 75 porsyento ang mga high-performing TEIs sa loob ng pitong taon mula 2010 hanggang 2022.
Aabot naman sa 34.8 porsyento ang bilang ng mga low-performing TEIs sa elementary level at 24.4 porsyento naman sa secondary level. Maituturing na low-performing ang isang TEI kung umabot lamang sa 25 porsyento ang overall passing rate nito sa mga taong saklaw ng pag-aaral.
Kinakailangan ang ganap na pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act upang tugunan ang mababang passing rate sa LET at upang paramihin ang bilang ng mga high-performing TEIs.
Sa ilalim ng batas, iaangat ang kalidad ng pagsasanay at edukasyon sa mga guro sa pamamagitan ng pinatatag na Teacher Education Council (TEC) na magpapaigting sa ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Titiyakin ng TEC ang ugnayan sa iba’t ibang yugto ng teacher education mula pre-service hanggang in-service.
Sa kanyang presentasyon ng 2023 Basic Education Report (BER), inanunsyo ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte na titiyakin ng DepEd ang paglulunsad ng bagong TEC at Secretariat. Aniya, sisimulan na ng TEC ang pagtupad sa mga mandato nito, kabilang ang pagtatatalaga ng mga minimum requirements para sa pre-service teacher education programs sa bansa.
Sa pagsisikap nating iangat ang kalidad ng edukasyong natatanggap ng ating mga kabataan, mahalagang tiyakin din natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education na nakakatanggap din ang ating mga guro ng dekalidad na edukasyon, lalo na’t sila ang may pinakamahalagang papel sa pagkatuto ng ating mga mag-aaral.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments