ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | September 30, 2021
Magandang balita, pasado na sa Senado ang panukalang-batas na iniakda ng inyong lingkod na layong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro sa bansa.
Layon ng Senate Bill No. 2152 na amyendahan ang Republic Act No. 7784 upang patatagin ang Teacher Education Council (TEC) na unang nabuo noong 1993. Sa ilalim ng panukalang-batas, paiigtingin ng TEC ang ugnayan sa pagitan ng Commission on Higher Education (CHED), Professional Regulation Commission (PRC), at Department of Education (DepEd).
Titiyakin ng naturang panukala ang ugnayan sa pagitan ng pre-service education na nagsisimula sa kolehiyo at ng in-service education o ang training na natatanggap ng mga guro kapag nagsimula na silang magturo.
Nakababahala nga ang mababang passing rate ng Licensure Examination for Teachers (LET). Mula 2010 hanggang 2019, 35 porsiyento lamang ng mga kumuha ng LET para sa high school ang nakapasa habang 28 porsiyento lamang ang nakapasa sa mga kumuha ng LET sa elementarya.
Noong 2019, wala pang 46 sa mga Teacher Education Institutions (TEIs) ang nabibilang sa Better Performing at Top Performing Categories ng LET para sa elementarya. Ibig sabihin, hindi bababa sa 75 porsiyento sa mga graduates ng TEIs na ito ang nakapasa. Samantala, mahigit 800 na TEIs ang nasa Worse o Poor Performing Categories, o iyong may passing rates na wala pang 50 porsiyento. Sa Secondary level naman, wala pang 27 porsiyento ang nasa Better o Top Performing TEIs at 1,000 ang nasa Worse o Poor Performing schools.
Ang pinaigting na TEC ay bubuo ng roadmap para sa edukasyon ng mga guro. Ito ay magbibigay ng mandato, magmo-monitor at magpapatupad ng quality assurance sa mga itatalagang minimum requirements sa teacher education programs. Ito ay upang matiyak ang matatag at malinaw na ugnayan sa pagitan ng mga outcomes ng teacher education programs, ang professional standards para sa mga guro, pananaliksik, at international best practice.
Kailangang maunawaan ng mas nakararami sa atin na ang pag-angat sa kalidad ng training at edukasyon ng mga guro ay makatutulong sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon ng mga mag-aaral na nasa elementarya at high school. Ang mga guro ay ang mga frontliners natin sa pagtugon sa pinagdaraanang krisis sa edukasyon sa bansa kaya naman, dapat tiyaking mula sa kolehiyo hanggang sa pagtuturo, sila ay handa at may sapat na kakayahan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments