top of page
Search
BULGAR

Mababang pasahod at benepisyo, dahilan ng kakulangan ng health workers

ni Ryan Sison - @Boses | October 1, 2022


Sa gitna ng patuloy na pakikipaglaban sa pandemya at iba pang sakit, nangangamba ang gobyerno dahil sa kakulangan ng healthcare workers sa bansa.


Ayon sa Department of Health (DOH), nangangailangan ng 106,000 nurses ang Pilipinas para punan ang kakulangan sa mga public at private facility, gayundin sa mga ospital. Mayroon na rin umanong kakulangan sa mga doktor, pharmacists, radiologic technologists, physical therapists, midwives at mga dentista sa bansa.


Dahil dito, patuloy na hinihikayat ng kagawaran ang mga interesadong aplikante na makipag-ugnayan sa Human Resources Bureau ng DOH para maiproseso ang kanilang mga dokumento.


Samantala, nagpahayag din ng pagkabahala ang kagawaran sa pangingibang-bansa ng mga Pinoy healthcare worker dahil ito umano ang isa sa mga dahilan kaya nagkukulang ang mga medical workers sa bansa. Kaya naman, nais ng DOH na panatilihin ang 7,500 yearly deployment cap ng mga healthcare worker.


Sa totoo lang, hindi nakakagulat ang mga ganitong isyu sa sektor ng kalusugan.


Matatandaang matagal nang idinadaing ng healthcare workers ang mabagal na pagbibigay ng mga ipinangakong benepisyo, gayundin ang mababang pasahod ng gobyerno.


Malinaw ang dahilan kung bakit pinipiling manilbihan ng ating healthcare workers sa ibang bansa — mas magandang oportunidad na magbibigay ng kakayahang mapunan ang kanilang mga pangangailangan.


Hindi natin sila masisisi kung pinipili nilang magsilbi sa ibang bansa kaysa sa ating bayan.


Kaya naman pakiusap sa mga kinauukulan, pakinggan ang kanilang mga hiling at unawain ang kanilang sitwasyon.


Nakita at natutunan natin na hindi biro ang kanilang sakripisyo sa mga nakalipas na taon, kaya plis lang, agapan natin ang kakulangan ng medical workers.


Huwag nating hintayin na umabot pa sa puntong hirap na hirap ang healthcare system ng bansa bago tayo umaksyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page