top of page
Search
BULGAR

Mababang oxygen saturation at pahirap ng Pneumonia, dinanas ng 11-anyos na namatay sa Dengvaxia

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 3, 2023


Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, karaniwan na ang mga kuwento ng kagitingan ng mga bata at kabataang vaccinees na nasawi, ganundin ang mga patuloy na nabubuhay ngunit may iniindang karamdaman.


Ang kagitingang ito ay maaaring munti lamang sa paningin ng iba, ngunit ang mga ito ay mahahalagang alaala tungkol sa kanilang pagsisikap na mapagaan man lamang ang kalooban ng kanilang mga mahal sa buhay na labis na nasasaktan sa kanilang pinagdadaanan.


Ang kagitingang ito ay naisagawa sa kabila ng kanilang karamdaman, at ang iba ay sa kabila ng pagkakaroon ng gahiblang sandali na lamang na nagdudugtong sa kanilang mga buhay. Isa sa mga kabataang ito si Harold D. Polistico, Jr.


Ayon sa kanyang ina na si Gng. Rowena Polistico ng Manila, “Kinabukasan, ika-28 ng Marso 2019, ay pinilit ng aking anak na dumalo sa Recognition Day upang tanggapin ang kanyang medalya. Habang nagtatalumpati ang aking anak, napansin kong hindi niya maiangat ang kanyang kamay. Madalas din ang paglapit niya sa akin dahil sa pananakit ng kanyang ulo. Agad ko siyang dinala sa ospital at nakitang mababa ang kanyang oxygen saturation. Inirekomenda agad ng doktor na i-oxygen ang aking anak.”


Ilang araw lamang ang nakalipas mula nang mangyari ang tagpong ito, si Harold ay pumanaw noong Abril 9, 2019. Si Harold ay 11-anyos, ang ika-145 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.


Ayon sa kanyang Certificate of Death, siya ay namatay dahil sa Acute Respiratory Failure Secondary To Tension Pneumothorax (Immediate Cause), Pneumonia, (Antecedent Cause), Restrictive Lung Disease, Shprintzen Goldberg Syndrome (Other Significant Conditions Contributing to Death).


Siya ay naturukan ng Dengvaxia sa isang health center sa Manila noong Setyembre 5, 2017. Sabi ni Aling Rowena sa kanyang salaysay, “Ang pagbabakuna ng Dengvaxia ay una kong nalaman sa aking asawa na si Harold Polistico, Sr. bilang isa siyang pulis. Ayon sa aking asawa, may programa ang Department of Health (DOH) na magbigay ng libreng bakuna kontra dengue sa miyembro ng pamilya ng kapulisan. Hindi na kami nagpabakuna noon sa Headquarters ng Philippine National Police dahil may anunsiyo rin ang aming barangay hinggil sa libreng pagbibigay ng bakuna kontra dengue. Sa aming barangay nabakunahan ng Dengvaxia ang aking anak. Ang pagkabakuna niyang ‘yun ang nagpahirap sa amin at siyang kumitil sa kanyang buhay dahil matapos siyang mabakunahan ay lagi na siyang nagrereklamo ng pananakit ng ulo.”


Pagdating ng mga taong 2017 at 2018, narito ang ilan sa mga naranasan ni Harold:


  • Oktubre hanggang Disyembre 2017 - Masakit ang kanyang ulo at tiyan, sumasakit at nangangalay ang kanyang kaliwang binti. Nahihirapan din siyang huminga. Nagpatuloy ang mga ito hanggang Disyembre 2017.

  • Pebrero 15 hanggang 20, 2018 - Nagkalagnat siya ulit. Masakit din ang ulo at tiyan niya, at may ubo. Isinugod siya ng kanyang nanay sa isang ospital sa Manila, na-admit siya nang limang araw at sinabi na may pneumonia siya. Noong Pebrero 20, na-discharge siya at niresetahan ng antibiotics.

  • Marso 1 hanggang 11, 2018 - Muli siyang nagkalagnat at nahirapang huminga. Noong Marso 2, 2018, mababa diumano ang oxygen level niya at siya ay nilagyan ng oxygen sa ospital. Pneumonia pa rin ang diagnosis sa kanya. Noong Marso 11, na-discharge siya sa ospital.

  • Disyembre 2018 - Sa follow-up check-up, nahirapan siyang huminga.


Pagdating ng 2019, narito ang ilan sa matitinding sinapit niya bago pumanaw:


  • Marso 25 - Malala ang kanyang ubo, mababa rin ang oxygen saturation niya.

  • Marso 27 at 28 - Muli siyang nahirapang huminga.Pinausukan siya sa kanilang bahay. Naganap ang pangyayaring nabanggit sa itaas ng artikulong ito, ang tungkol sa pagpilit niya na pagdalo sa kanilang Recognition Day, kung saan nahirapan siyang huminga. Sa pinagdalhan sa kanyang ospital, walang oxygen machine at hindi inasikaso ng doktor na nakatalaga noon sa emergency room ng ospital si Harold, kaya siya ay inilipat sa ibang ospital. Nagsisigaw siya dahil nahirapan siyang huminga, in-ambu bag siya. Hindi rin alam ng mga doktor ang dapat gawin sa karamdaman niya dahil wala silang ideya sa kanyang medical history. Siya ay in-intubate.

  • Abril 2 at 7 - Inilipat siya sa ibang ospital. Noong Abril 7, nagkalagnat siya at masakit ang kanyang ulo. Hirap na hirap siyang huminga, gayundin, tumataas ang BP niya.

  • Abril 9 - Naging kritikal ang kanyang kalagayan. Nagpaalam siya sa kanyang pamilya at pagsapit ng alas-5:00 ng hapon ay pumanaw na siya.


Ayon sa kanyang ina, “Noong taong 2013, na-diagnose sa sakit na Shprintzen Goldberg Syndrome ang aking anak. Mula noon, naka-wheel chair na siya. Sa kabila ng kanyang kalagayan, normal at maayos pa rin naman ang pamumuhay niya. Hindi rin nagka-dengue infection ang aking anak bago siya maturukan ng Dengvaxia.


“Ako ay naniniwala talaga na ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay ay ang itinurok sa kanyang Dengvaxia na bigay ng DOH.”


Noong si Harold ay nabubuhay, siya ay may matayog na pangarap. Sa pag-abot sana niya ng kanyang mga inaasam, maaari niyang maging tuntungan ang kanyang katalinuhan at talento sa pagkanta at pagtugtog ng ukulele. Ang mga ito ay napako sa kawalan. Ngunit ang ganitong pangyayari na wala nang kinahantungan ay hindi papayagan ng Pamilya Politisco na maganap nang walang makatwirang paglaban sa hukuman.


Kaya kasabay ng paghiling nila ng forensic services sa PAO Forensic Team, ay hiniling din nila ang libreng serbisyo-legal ng PAO. Kasama nila kami ngayon sa kanilang laban para sa paghahanap ng hustisya para kay Harold at iba pang tulad niyang mga biktima ng nakalalasong gamot na Dengvaxia. Mananatiling matatag ang aming tanggapan na ipaglaban ang kaso ng Pamilya Polistico at iba pang biktima ng Dengvaxia.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page