ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | December 20, 2021
Tuwang-tuwa ang mga kababayan natin sa maraming lalawigan na hanggang nagyon ay wala pang kuryente sa kani-kanilang lugar dahil bago pa man lang matapos ang administrasyong ito ay naalala sila ng pamahalaan.
Inatasan kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Energy (DOE) na tukuyin sa lalong madaling panahon ang mga lugar hanggang sa dulong bahagi ng bansa na hindi pa naabot ng supply ng kuryente para mabigyan ang mga ito ng serbisyo ng enerhiya.
Ito ang nakapaloob sa inilabas na direktiba na Executive Order No. 156 na nilagdaan mismo ng Pangulo noon pang nakaraang Disyembre 10 na kahit hindi pa man din agarang maipatutupad ay nagdulot na ito ng kagalakan sa marami nating kababayan sa mga lalawigan.
Tinukoy ng Pangulo na ‘underserved’ ang mga lugar na hindi pa naibibigay ang episyenteng serbisyo ng elektrisidad kaya nais ng Pangulo na bago matapos ang kanyang termino ay maisaayos na ang kalagayan ng marami nating kababayan na wala pang kuryente.
Kaugnay nito ay pinagsusumite ng Pangulo ang mga district utility sa DOE ng comprehensive electrification master plan sa loob lamang ng tatlumpung araw para sa kanilang mga franchise area.
Napag-alamang malaking bahagi pa ng bansa--partikular sa mga bulunduking bahagi ng mga lalawigan ang hanggang sa kasalukuyan ay nagtitiis sa kanilang pamumuhay dahil sa kawalan ng supply ng kuryente.
Dahil dito ay nabuhayan ang marami nating kababayan na nasa iba’t ibang lalawigan na mayroon ng supply ng kuryente, ngunit hindi maayos at hindi maaasahan para gamitin sa pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa mas madalas pa ang brownout kaysa may kuryente.
Sa pinakahuling direktiba kasi ng Pangulo ay pinatutukoy lamang sa DOE ang mga lugar na walang kuryente, ngunit hindi nabanggit ang mga lugar na may kuryente na sana, ngunit para ding wala dahil sa madalas na brownout.
Ang sektor kasi ng distribusyon ay binubuo ng 17 private-investor-owned electric utilities, 119 electric cooperatives at 10 local government owned or operated electric utilities kaya marami ang hindi mapanghimasukan ng lokal na pamahalan kahit sobrang sama na ng ibinibigay na serbisyo.
Kaawa-awa ang maraming lalawigan dahil wala naman silang ibang pagpipilian at normal na pangitain sa tanggapan ng mga electric cooperative ang napakahabang pila ng ating mga kababayan na nagrereklamo dahil sa palpak na serbisyo.
Isa sa may pinakamaraming reklamo dahil sa hindi maayos na serbisyo ay ang Albay Power and Energy Corporation (APEC) na dumaranas ng araw-araw na reklamo sa kanilang tanggapan at maging sa social media ay puro hindi na maayos na salita ang kanilang natatanggap.
Kamakailan lamang ay naglabas ng temporary exemption ang DOE para sa APEC, ang concessioner ng Albay Electric Cooperative (ALECO) para makakuha sa ilalim ng isinaayos na emergency power supply agreement (EPSA) ng 40 megawatts power supply mula Hunyo 26 hanggang Disyembre 25 ng taong kasalukuyan.
Ngunit sa kabila ng lahat ng alalay ng DOE ay tila ang mismong APEC na ang may problema dahil hanggang sa kasalukuyan ay maraming bayan sa Albay ang dumaranas ng halos araw-araw na brownout at kung may supply man ng kuryente ay maya’t-maya naman ang interruption.
Hindi naman natatapos ang isang buong linggo na walang anunsiyo ang APEC na magkakaroon ng brownout at ito ay tanggap na ng mga residente ngunit bukod sa brownout na may anunsiyo ay mas madalas ang brownout na walang anunsiyo.
Nakakaawa ang mga residente ng Albay, partikular ang mahihirap na walang pambili ng generator dahil sa labis na apektado ang kanilang mga negosyo dahil sa hindi maayos na serbisyo ng APEC, ngunit wala silang magawa dahil sa wala naman silang pagpipilian.
Dumaranas din ng kalupitan sa kamay ng APEC ang maraming residente dahil sa sobrang higpit nila sa pagpuputol ng kuryente sa mga hindi agad nakababayad sa itinakdang panahon, ngunit kapag nakabayad na ay hindi naman agad naikakabit na kasing bilis kung paano pinutol.
Nagbabayad nga naman ng maayos ang mga residente sa Albay, ngunit hindi nila nakukuha ang maayos na serbisyo sa tamang halaga na kanilang ibinabayad at madalas ay dumaranas pa umano nang pag-aalipusta sa ilang tauhan ng APEC ang ilang nakikiusap, partikular ang mga senior citizen.
Walang magawa ang mga residente sa maagang pagkasira ng kani-kanilang appliances dahil sa patay-sinding serbisyo ng supply ng kuryente ng APEC at sa mga magbubukid nating kababayan ay napakahabang panahon ang kailangan para makapag-ipon ng pambili ng appliances.
Kaya’t kahit daplis na daplis lang ang direktiba ni Pangulong Duterte para sa DOE na tukuyin ang mga bayan sa mga lalawigan ng wala pa ring serbisyo ng kuryente ay nais nilang isama na rin sa pagtukoy ang mga lalawigan na may kuryente nga ngunit para ring wala dahil sa mas madalas pang brownout.
Hindi ba’t kamakailan lamang ay 36 public elementary at pitong high school ang naapektuhan dahil sa kawalan ng kuryente sa buong bayan ng Rapu-Rapu, Albay dahil sa hindi umano sa P32 milyong bill na hindi nabayaran.
Isa lang ito sa napakaraming suliraning kinahaharap ng buong lalawigan ng Albay at alam kong maging sa iba pang lalawigan sa bansa ay dumaranas ng kahalintulad na suliranin na dapat mabigyang-solusyon din ng DOE.
Sa DOE, pakipukpok n’yo naman ang mga operated electric utilities at cooperatives na ayusin naman ang serbisyo sa mga lalawigan kahit ngayong panahon ng Kapaskuhan lang!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Commentaires