ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 12, 2023
Ayaw talaga natin ‘yung pumipila nang buong araw ang ating mga kababayan, makakuha lang ng serbisyo mula sa gobyerno. ‘Yan ang laging sinasabi sa akin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kahit noong mayor pa lang siya. Ang tunay na serbisyo ay nakikita sa maliliit na bagay na magpapagaan ng buhay ng mga tao. Kaya dapat maipagpatuloy ang mga sinimulang reporma, at tiwala naman ako sa bagong administrasyon na gagawin nila ang dapat upang mapagaan ang pinapasan ng ating mga kababayan.
Sa harap ng maraming hinaing ng ating mga kababayan na parating o papalabas ng ating bansa—maging sila man ay overseas Filipino workers o magbabakasyon lang— muli nating binigyang-diin na mahalagang maipasa ang ating inihain na Senate Bill No. 1185 o ang panukalang “Bureau of Immigration Modernization Act”.
Kung maisabatas, ito ay naglalayon na mapaganda at mas maging maayos ang immigration services ng ating bansa at maiiwasan din ang katiwalian sa trabaho sa pamamagitan ng pag-a-upgrade sa sistema ng BI, ng mga pasilidad nito at maging ng mga tauhan.
Binigyang-diin natin ito kasunod ng mga alegasyon ng katiwalian at mga reklamo sa serbisyo na nagresulta sa mga insidente na marami sa ating mga kababayan ang hindi nakasakay sa eroplano, partikular ang ating OFWs. Kailangang maipagpatuloy na i-modernize ang nasabing ahensya.
Ang BI rin ay marahil ang unang nakakaharap ng ating mga bisita pagdating sa bansa at ang kanilang serbisyo ay repleksyon ng ating sistema ng pamamalakad. Habang maituturing silang gatekeepers ng ating bansa, malaki rin ang epekto ng kanilang serbisyo sa reputasyon natin sa mga bisita.
Noong nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Duterte, sinikap nating suportahan ang mga hakbang upang mas mapaganda at mamodernisa ang serbisyo ng BI. Bilang halimbawa, sinuportahan natin noon, noong hindi pa ako Senador, ang pagbubukas ng electronic gates system sa piling airports, tulad sa Davao City, Mactan-Cebu, Clark at pati NAIA, para mapabilis ang proseso ng mga bumibisita sa bansa.
Kung inyong matatandaan, kamakailan ay kinondena natin ang insidente kung saan ang isang BI officer ay nangotong diumano sa isang OFW. Hindi pinasakay sa eroplano ang OFW na patungo ng France kahit kumpleto na ang kanyang mga dokumento noon pang Agosto 7, 2022. Bagama’t kinikilala natin ang sipag at dedikasyon ng marami sa ating mga kawani ng gobyerno, hinding-hindi natin palalampasin ang mga gawain ng mga umaabuso sa kanilang kapangyarihan at sinisira ang tiwala ng ating mga kababayan. Managot ang dapat managot. Huwag nating hayaan ang mga nang-aabuso.
Kung maisasabatas ang SBN 1185, makakatulong ito para matugunan ang mga isyung matagal nang kinakaharap ng BI dahil layunin nitong mapabilis ang mga proseso ng ahensya, mabawasan ang red tape at korupsyon, at maipagkaloob sa publiko ang mas maayos at epektibong serbisyo.
Sa ilalim ng SBN 1185, ang kasalukuyang posisyon ng mga opisyal at kawani ng BI ay ia-upgrade para matugunan ang pangangailangan sa immigration services ng ating bansa na sa kasalukuyan ay mabilis na lumalaki. Ang paglikha ng mga bagong posisyon sa ilalim ng nasabing panukala ay magpapataas at magpapalakas sa pagiging produktibo at episyente ng ahensya. Kung mas mapapabuti rin natin ang compensation scheme ng mga nagtatrabaho sa ahensya, mas maiiwasan ang katiwalian.
Kapag naisabatas, pagkakalooban din ang BI Board of Commissioners ng mekanismo para magamit kada taon ang 30% ng koleksyon ng ahensya mula sa immigration fees, bayad at multa, at iba pang kinita na maaaring makolekta para ipatupad ang batas at masuportahan ang isinasagawang modernisasyon.
Panahon na upang masiguro na magiging ligtas at maayos ang paglalakbay ng bawat Pilipino sa kahit ano’ng airport sa bansa, lalo na ang ating mga OFWs. Mahal at suportado ko ang ating mga manggagawa sa loob at labas ng ating bansa. Naging instrumento nila tayo para maisabatas ang paglikha sa Department of Migrant Workers (DMW) sa pamamagitan ng Republic Act No. 11641, na naging co-author at co-sponsor tayo. Ito rin ang inaasam natin sakaling tuluyang maging batas ang SBN 1185—ang mabigyan ng proteksyon ang ating mga biyahero, at mas mapaganda ang serbisyo sa ating mga paliparan.
Samantala, bago ang Mahal na Araw ay naghatid ng tulong ang aking tanggapan sa 33 nating kababayang biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog mula sa anim na barangay sa Cebu City. Kahapon, inalalayan din natin ang 50 nasunugan sa Bgy. Moonwalk, Parañaque City. Idinaos din ang inagurasyon ng itinayong Multi-Purpose Building sa Jose Dalman, Zamboanga del Norte na ating natulungang mapondohan.
Bilang suporta naman sa ating mga kapatid sa entertainment industry, dumalo tayo sa 1st Summer MMFF Gabi ng Parangal na ginanap sa Cubao, Quezon City. Matatandaan na inirekomenda ko noon ang pagkakaroon ng dagdag na film festival upang mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga nasa industriya na maipamalas ang kanilang talento at galing. Natutuwa ako na naisakatuparan na ito.
Kaya naman hinihikayat ko ang lahat ng ating mga kababayan na suportahan ang mga pelikulang Pilipino sa Summer MMFF ngayong taon. Mapa-bata man o matanda, sigurado ako na may pelikulang para sa inyo sa festival na ito.
Sa ating pagbabalik mula sa mahaba-haba ring bakasyon, umaasa akong ang ilang araw na pahinga ay nagbigay sa ating lahat ng panibagong sigla upang ipagpatuloy natin ang ating mga pang-araw-araw na gawain para sa ating pamilya at sa ating bansa.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments