ni Janiz Navida @Showbiz Special | Jan. 18, 2025
Photo: Vic Sotto at Darryl Yap - Circulated, MJ Marfori
First time na nagkaharap kahapon, January 17, sa Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 sina Vic Sotto at Direk Darryl Yap.
Ito’y matapos sampahan ng 19 counts ng cyberlibel case na may hinihinging P35 M damage ng Eat… Bulaga! host ang controversial director ng The Rapists of Pepsi Paloma movie na si Darryl Yap dahil sa direktang pagdawit sa TV host sa trailer ng movie sa diumano’y pangre-rape sa dating sexy star na si Pepsi Paloma.
Inabangan ng press sina Bossing Vic (kasama ang misis na si Pauleen Luna) at Direk Darryl paglabas ng korte para mahingan ng pahayag sa kanilang unang paghaharap.
Magkahiwalay na lumabas ang dalawa kasama ang kani-kanilang mga abogado.
Nang si Bossing Vic ang makumusta ng press, ang tanging isinagot nito ay “Hindi ako puwedeng magsalita, eh,” dahil na rin sa gag order ng korte na hiniling ng kampo ni Yap.
Pero nu’ng si Darryl ang kinumusta ng media, ang sagot nito, “I’m okay. I’m still finishing the movie.”
So, hindi pa pala tapos ang shooting ng controversial film at sabi pa nga ni Direk Darryl nu’ng matanong ng press kung itutuloy pa ba ang paggawa nito, “Dapat, dapat!”
Ngunit hindi na sinagot ng controversial director ang tanong kung nagkausap ba sila ni Bossing Vic sa kanilang paghaharap sa korte.
Samantala, may ilang napansin ang mga netizens kay Darryl Yap sa kumalat na video clip nito paglabas ng Muntinlupa RTC.
Ilan sa mga comments na nabasa namin sa isang entertainment site, “Akala ko pa naman maangas itong si Yuck paglabas ng kotse at ng court.”
“Feeling sikat si DY. May bodyguard pa!”
“Mukhang nagpatahi pa ng OOTD si DY haha!”
“Hindi ka naman pinipigilan YAK na gawin ‘yan. Pero bakit parang nawala ang angas mo? ‘Di ba arogante ka?”
Oh, well, nag-uumpisa pa lang ang kaso at mukhang mahaba-haba pa ang tatakbuhin kaya chill lang tayo tulad ni Bossing Vic.
Just curious lang kung maipapalabas kaya sa mga sinehan ang movie knowing na ang chairperson ng MTRCB na si Lala Sotto ay pamangkin ni Bossing Vic at anak ni Sen. Tito Sotto.
Love na love pa rin daw, para sa anak…
RUFA MAE, TODO-ASA PA SA BALIKAN NILA NG MISTER
Inamin na ni Rufa Mae Quinto sa interview sa kanya ni Tito Boy Abunda kahapon (January 17) sa Fast Talk with Boy Abunda na may pinagdaraanan ang relasyon nila ng mister na si Trevor Magallanes, pero itinanggi niyang nag-file na ng divorce ang asawa.
Ayon kay Rufa Mae, "Bilang asawa, siyempre, inaantay ko lang na maklaro kami, mag-usap pa rin kung totoo ba talagang 'yan ang nararamdaman n'ya. Kasi lagi nga rin akong wala, eh, so baka naman puwedeng lambingan na muna, makiusap, pasensiya na.
"Kasi siyempre, pagod ako, lagi akong wala, in short. Siyempre, there's always two sides of the story, pero naiintindihan ko rin na hindi naman siyempre, puro lang ako ang tama.
Siyempre, siya rin naman, may reason din. Pero we're going through something,” lahad ni Rufa Mae na hindi na nagdetalye sa problema nila ng mister.
Nilinaw niyang wala pa sa kanilang dalawa ni Trevor ang nagpa-file ng divorce.
"Kasi kung ayaw na rin naman n'ya, bakit ko hindi rerespetuhin 'yun? Pero 'yung legalities sa mga file-file, walang nag-file ng divorce. So, hindi ako magpa-file kasi ang dami nang nag-file, nag-file na rin ako, so ang daming file.
"Ayoko munang mag-file sa mga divorce-divorce. Dito rin naman kasi kami ikinasal sa [Pilipinas], so hindi ko alam kung ano’ng gagawin, masyadong masakit pa."
Nang tanungin ni Tito Boy kung mahal pa ba niya si Trevor, diretsahang sagot ni Rufa Mae, "Oo naman, mahal ko siya, siyempre, at saka gusto ko, siyempre, makumpleto ang pamilya namin."
At kung gusto pa ba niyang magkabalikan sila?
Sagot ng komedyana, "Ako kasi, kung ayaw na, rerespetuhin ko 'yun kahit na masakit sa akin. Siyempre, 'di ba, bakit ko pipilitin ang isang tao kung 'yun 'yung nararamdaman n'ya?"
Aniya pa, "Hangga't nga walang nagpa-file, waiting lang. Kumbaga, hindi mo tinatapos kasi para rin sa anak namin 'yun. Saka wala naman kaming matinding pinag-awayan. Ako, gusto ko pa siya, 'di ba?"
Well, sana nga ay magkaayos pa sina Rufa Mae at Trevor kahit para na lang sa kanilang unica hija na si Athena.
Comments