ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 15, 2022
Ngayong mas maraming industriya na ang nagbubukas, muling bumabangon ang ating ekonomiya at pinagpaplanuhan na rin ang pagpapatupad ng face-to-face classes sa mga paaralan, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay umaapela ang inyong lingkod sa lahat na makiisa sa gobyerno para masigurong tuluyang malampasan na ang pandemya.
Sa hanay ng pamahalaan, sikapin nating mas palakasin ang isinasagawang vaccination campaign para mas maraming kababayan nating kuwalipikado ang mabakunahan. Maayos ang ating naging paghahanda sa vaccine rollout noong nakaraang taon at mayroon tayong sapat na supply ng bakuna, pero kailangan nating maiparating ito sa lahat ng komunidad upang maproteksyunan sila at masigurong walang maiiwan sa ating muling pagbangon.
Nirerespeto natin ang karapatan ng bawat Pilipino na magdesisyon kung gusto nilang magpabakuna o hindi. Sa kadahilanang ito, mainam na bigyan sila ng tamang impormasyon para maintindihan ang importansya ng bakuna at ang magagawa nito sa kanilang kaligtasan, maging ng kanilang pamilya at komunidad—lalo na ngayon na ipinakikita ng siyensya na bukod sa primary shots ay kailangan din ng booster shots para sa tuluy-tuloy na proteksyon laban sa COVID-19.
Bukod sa sapat na supply, “awareness and access” sa mga bakunang ito ang kailangan upang hindi masayang ang ating mga pinaghirapan. Kung puwede ay dalhin natin ang tamang impormasyon at mismong bakuna sa mga kabahayan, lalo na sa mga liblib na lugar.
Mula Hulyo 4 hanggang Hulyo 10 ay nakapagtala tayo ng kabuuang 10,271 bagong kaso, na mas mataas ng 39% kaysa sinundang linggo. Ngunit hindi dapat tayo mag-panic. Ang kailangan natin ay todong pag-iingat at kooperasyon ng lahat sa harap ng inaasahang pagsulpot pa ng mga bagong variants. Huwag muna tayong magkumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon habang nand'yan pa ang COVID-19.
Tandaan natin at ipaintindi sa komunidad na ang pakikipagbayanihan at pagbigay-importansya sa bakuna ang tanging solusyon ngayon para labanan ang pandemya at tuluyang makabalik tayo sa normal na pamumuhay.
Sa bahagi natin bilang kinatawan sa Senado, isinumite natin na para sa 19th Congress ang mga prayoridad na panukalang batas para palakasin pa lalo ang serbisyong pangkalusugan na dapat matanggap ng bawat Pilipino.
Kabilang ang pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP) para mapaigting ang ating kakayahan sa siyensya at magkaroon ng sapat na sariling gawang medisina at bakuna laban sa mga bagong lumalabas na sakit. Kailangang maging one-step ahead tayo sa mga darating pang public health emergencies kaya isinulong natin ang pagkakaroon ng Center for Disease Control and Prevention para mas maayos at mabilis nating matugunan ang anumang krisis pangkalusugan.
Sa nakaraang mga araw, tuluy-tuloy ang ating tanggapan sa pagtulong sa mga kababayan nating apektado ng pandemya at iba pang krisis. Agad nating tinulungan ang mga kababayan nating naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Davao City tulad ng 16 na pamilya mula sa Bgy. Talomo; 16 na residente ng Bgy. 31-D Boulevard; at limang pamilya mula sa Bgy. Sto. Niño.
Hinatidan din ng ayuda at pinagaan ang dalahin ng 101 pamilyang biktima ng sunog sa Bgy. Quiot, Cebu City; at 89 pamilya rin sa Caloocan City. Merong 16 pamilyang biktima naman ng tornado sa Digos City, Davao del Sur ang ating naayudahan. Bukod dito, mayroon din tayong 1,000 kababayan sa Dingalan, Aurora na nakatanggap ng tulong.
Kinumusta rin natin ang 67 na benepisaryo ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program sa Davao City at inalam kung maayos ang kanilang kalagayan. Sinigurado natin na maipagkakaloob ng mga ahensya ng pamahalaan at LGU ang kanilang mga pangangailangan upang makapagsimula muli sa probinsya nila.
Sinaksihan din ang groundbreaking ceremony ng dalawang Super Health Center na itatayo sa North Cotabato—isa sa Libungan, at ang isa pa ay sa Banisilan. Ang Super Health Center ay inisyatiba para magkaroon ang malalayong komunidad ng modernong pagamutan na may kapasidad na parang ospital para hindi na sila kailangang bumiyahe pa sa siyudad.
Sa tahimik, ngunit walang tigil na pagtatrabaho ay palaging kapakanan at kalusugan ng bawat Pilipino ang ating prayoridad. At tulad ng tiwala at suporta na ibinigay natin kay dating pangulong Rodrigo Duterte, umaasa tayo sa inyong pakikiisa para maging matagumpay din ang bagong administrasyon at malampasan natin ang anumang pagsubok na darating sa ating buhay bilang mas matatag na sambayanang Pilipino!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments