ni Lolet Abania | March 23, 2022
Sisimulan na ng Department of Education (DepEd) ang pagtanggap ng maagang registration para sa public primary and secondary schools para sa School Year 2022-2023 sa Marso 25 at tatagal hanggang Abril 30, 2022.
Ayon sa DepEd, ang isang buwang registration period ay makapagbibigay sa ahensiya ng panahon para makapaghanda sa posibleng mga isyu at kaganapan na maaaring mangyari.
“All incoming Kindergarten, Grades 1, 7, and 11 in public elementary and secondary schools shall pre-register to allow the Department to make necessary preparations and incoming plans for the coming school year,” pahayag ni DepEd Secretary Leonor Briones sa isang memorandum na may petsang Marso 21.
Sinabi ni Briones na ang mga papasok na Grades 2 hanggang 6, Grades 8 hanggang 10, at Grade 12 na mga estudyante ay kinokonsiderang pre-registered na at hindi na kailangan pang makiisa sa early registration.
Hinimok din ng opisyal ang mga pribadong paaralan na magsagawa na rin ng kanilang aktibidad ng maagang rehistrasyon sa katulad na panahon.
Paalala naman ng DepEd sa mga eskuwelahan at sa publiko na patuloy na sumunod sa mga protocols laban sa pagkalat ng COVID-19 transmission sa isasagawang aktibidad ng early registration.
Ang in-person registration ng mga magulang at guardians ay pinapayagan lamang sa
mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 1 at 2.
Sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Levels 3 hanggang 5, ang registration ay dapat na gawin sa pamamagitan ng text messaging at social media platforms at iba pang kagaya nito.
Ayon pa sa DepEd, magtatapos ang kasalukuyang academic year sa Hunyo 24, 2022 at wala pa silang inaanunsiyo sa pagsisimula ng SY 2022-2023.
Commentaires