top of page
Search
BULGAR

Disability o kamatayan… Gamot na dahilan ng pagkatumba at pagkahulog ng mga senior citizens


ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | December 28, 2021




Dear Doc Erwin,


Ako ay caregiver at nag-aalaga ng dalawang senior citizens na parehong edad 70.


Mahigpit na bilin ng aming employer na regular silang painumin ng maintenance at iwasang sila’y matumba o mahulog.


Nabasa ko sa aming caregiver’s manual na kinakailangang ma-review ang mga gamot na regular na iniinom ng mga pasyente dahil maaari itong maging sanhi ng pagkahulog o pagkatumba. Dahil maraming maintenance medications ang matatanda, naisipan ko na sumangguni sa inyo upang malaman kung anu-anong gamot nga ba ang mga dapat iwasan?


– Rosalina


Sagot


Maraming salamat Rosalina sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.


Ang pagkatumba o pagkahulog ng matatanda ang isa sa pinakamadalas na dahilan ng kanilang disability o kamatayan.


Isang mahalagang dahilan ang ilang maintenance medications na kanilang iniinom araw-araw.


Tandaan ang sumusunod na tatlong principles. Una, kung ito ay posible, itigil ang pag-inom kung hindi na ito kailangan o kung hindi na nakatutulong sa kondisyon ng pasyente. Pangalawa, mas makabubuting palitan ang gamot ng mas safe na alternatibo.


Pangatlo, bawasan ang dose ng gamot sa pinakamababang dose na epektibo ito.


Anumang gamot na maaaring maging dahilan ng pagkaantok, pagkahilo at pagbaba ng blood pressure ay maaaring maging dahilan ng pagkatumba o pagkahulog. Gayundin, kung nakalagay sa product insert ng gamot na ito ay maaaring maging dahilan ng mga sumusunod — vision disturbance, gait disturbance at Parkinsonian effects.


Mag-ingat din kung ang gamot ay maaaring maging dahilan ng bleeding dahil maaaring maging dahilan ito ng cerebral hemorrhage o pagdugo sa utak — ito ay ang mga anticoagulants.


Ang mga sumusunod na gamot ay maaaring maging dahilan ng pagkatumba o pagkahulog kaya’t ibayong pag-iingat ang kailangan — ace inhibitors (tulad ng captopril at enalapril), alpha receptor blockers (prazosin, terazosin), anticonvulsants (carbamazepine, ethosuximide, phenobarbital at gabapentin), antidepressants (doxepin, fluoxetine, at trazodone), antihistamines (chlorpheniramine, hydroxyzine, at meclizine), muscle relaxants (dantrolene, baclofen at tizanidine), at opiates/narcotics (codeine, alfentanil at butorphanol).


Ang mga nabanggit na gamot ay mga halimbawa ng mga gamot na kinakailangang pagtuunan ng pansin upang maiwasan ang pagtumba o pagkahulog ng matatanda na iyong inaalagan. Dahil kulang sa espasyo ay hindi na nating mababanggit ang iba pang gamot. Mas makabubuti na makipagtulungan sa attending physician ng matatanda upang malaman ang mga gamot na maaaring maging dahilan ng mga nabanggit.


Sana ay nasagot ng artikulo na ito ang inyong mga katanungan.


 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com


0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page