top of page
Search
BULGAR

Maaaring mag-impok ang SSS members sa Voluntary Provident Fund Program

@Buti na lang may SSS |September 24, 2023


Dear SSS,

Magandang araw! Ako ay isang SSS member. Nabalitaan ko kamakailan na mayroong bagong programang inilunsad ang SSS na tinatawag na Voluntary Provident Fund para sa aming mga miyembro. Ano ba ang programang ito? Salamat. - Lito

Mabuting araw sa iyo, Lito!


Napapanahon ang iyong katanungan sapagkat may iniaalok ang SSS na isang voluntary provident fund program bilang karagdagang paraan ng pag-iipon para sa retirement ng mga miyembro. Ito ay tinatawag na Voluntary Provident Fund Program o dating tinatawag na Workers’ Investment and Savings Program (WISP) Plus.


Ito ay isang programa para sa lahat ng miyembro, anuman ang kanilang monthly salary credit (MSC) o bracket na may hindi bababa sa isang kontribusyon at wala pang final claim sa ilalim ng kanilang regular SSS program.


Itinataguyod ng Voluntary Provident Fund ang prinsipyo ng Work, Save, Invest and Prosper na nakapaloob sa Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018.


Ang Voluntary Provident Fund ay isang magandang oportunidad sa mga miyembro upang mapalago ang kanilang pera na magsisilbing karagdagang layer ng social security protection para sa kanilang retirement fund bukod pa sa kanilang regular SS program.


Layuning protektahan ang principal ng mga contributions dito. Ibig sabihin, hindi dapat bababa ang nominal value nito, bagkus ay tataas lamang ito depende sa performance ng SSS investments. Magandang paraan ito para maprotektahan ang pinaghirapang pera ng mga miyembro laban sa inflation.


Kikita ng compounded interest ang mga contribution dito dahil ang investment income na idini-distribute kada taon ay magiging bahagi na rin ng Total Accumulated Account Value (TAAV) ng miyembro na kikita rin ng kaukulang interes.


Lito, kung nais mong magkaroon ng SSS Voluntary Provident Fund, maaari kang mag-log-in sa iyong My.SSS account sa www.sss.gov.ph, i-click ang “Enroll to Voluntary Provident Fund” na nasa ilalim ng Services tab, at basahin ang terms and conditions ng programa at i-accept ito.


Ang pinakamababang kontribusyon para sa Voluntary Provident Fund ay nagkakahalaga lamang ng P500 kada payment o bayad. Mababayaran ito sa pamamagitan ng Payment Reference Number (PRN) na kailangang i-generate mo gamit ang iyong My.SSS account.


***


Binuksan noong Agosto 15, 2023 ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na nasalanta ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone (TC) Egay. Tatanggap ng aplikasyon para sa CAP hanggang Nobyembre 14, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.


Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountain Province; mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan, Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro; at sa Lungsod ng Dagupan.


***


Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.


Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.


Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.


 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page