@Buti na lang may SSS | April 25, 2021
Dear SSS,
Magandang araw! Bagong kasal ako at nais kong i-update ang civil status ng aking rekord sa SSS. Paano ko ito magagawa? – Shane ng Malolos
Sagot
Napakahalaga na updated at tama ang impormasyon tungkol sa iyo na nasa record ng SSS. Ang pagkakaroon ng hindi tama o hindi updated na personal record sa SSS ay maaaring magdulot ng problema sa miyembro, lalo na kung mag-a-apply siya ng benefit claim. Maaari kasing maantala ang pagpoproseso ng benefit claim kung mayroong hindi tugma o discrepancies sa rekord ng miyembro. Kaya, hinihimok namin ang mga miyembro na i-update ang kanilang rekord sa SSS. Katulad sa iyong kaso, dapat i-update ang iyong civil status.
Ang mabuting balita ay maaari mong maisagawa ang simple correction sa iyong rekord online gamit ang account sa My.SSS. Kaya dapat tiyakin na ikaw ay nakarehistro na sa My.SSS. Kung hindi pa, maaaring magtungo sa website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro dito. Punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit mo na ang iyong account.
Kapag mayroon nang My.SSS account, mag-login gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click mo ang “I’m not a robot” at i-click mo ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “E-SERVICES.” Hanapin mo rito ang “Request for Member Data Change (Simple Correction)” at i-click mo ito.
I-tick mo ang kahon sa tabi ng “CIVIL STATUS.” Makikita mo sa iyong screen na ang civil status ay magiging “Single to Married.” Paalala na maaari lamang i-update ang iyong civil status ng married mula sa pagiging single. Bukod dito, maaari mo ring i-update ang iyong pangalan dahil dadalhin mo na ang apelyido o surname ng iyong asawa.
Sunod nito, i-upload ang supporting document bilang patunay sa pagbabago mo ng iyong rekord tulad ng marriage contract. Tiyakin mo lang na nababasa ang nai-upload mong dokumento. Maaaring image o PDF file ang iyong i-upload na may file size na hindi hihigit sa 2MB. Maaari ring i-click ang “Required Supporting Documents” para sa kumpletong talaan ng tinatanggap na supporting documents.
Matapos nito, i-click mo sa ibabang bahagi ang “This is to certify that all information and documents presented are true.” Ito ay pagsang-ayon na tama at wasto ang lahat ng impormasyon at dokumento na ibinigay mo. Tandaan ang transaction number. Magpapadala sa iyong e-mail address ang SSS ng Notice of Approval o Rejection tungkol dito. Paalala rin namin na hindi maaaring gawin ang simple correction na ito ng mga miyembro na may claim tungkol sa pagkamatay, pagpapalibing, pagreretiro at pagkabalda.
◘◘◘
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."
◘◘◘
Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comentarios