ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | June 23, 2020
Dear Doc. Shane,
Napansin ko na tila lumalaki ang tiyan ng aking anak na 4 years old kahit hindi naman siya mataba. Madalas din niyang kinakamot ang kanyang puwit kaya hinala ko na meron siyang bulate. Pero ang ipangtataka ko ay hindi naman siya naglalaro sa kalsada o sa putikan. Ano ba ang dapat kong gawin?
– Mrs. Cortez
Sagot
Ang bulate sa tiyan ay isang uri ng impeksiyon, kung saan ang mga bulate ang siyang kumukuha ng nutrisyon na dapat ay para sa taong apektado. Ito ay nagdudulot ng pagkakasakit at pagkawala ng sigla.
Bakit nagkakaroon ng bulate sa tiyan?
Ang bulate sa tiyan ang nakukuha sa pamamagitan ng paglunok ng kontaminadong pagkain o pagkaing may taglay ng itlog ng bulate na siya namang nagmula sa dumi ng tao.
Ang pag-inom ng tubig na kontaminado rin ay isa ring paraan. Dahil dito, ang pagdumi na wala sa lugar o hindi malinis na komunidad kung saan ang mga banyo ay hindi sumusunod sa mga patakarang-pangkalusugan ay mga bagay na siyang pumapabor sa paglaganap ng bulate sa tiyan.
Paano gagamutin ang bulate sa tiyan?
Ang mga gamot laban sa bulate sa tiyan ay kung tawagin ay “pampurga”, sapagkat pinupurga nito ang mga bulate papalabas ng tiyan. Ang mga gamot na ito ay madaling inumin, sapagkat isa hanggang tatlong inuman lamang ito. Magpatingin sa doktor o health worker bago uminom ng mga gamot na ito.
Ano ang maaaring gawin upang hindi magkaroon ng bulate sa tiyan?
Huwag isubo o kainin ang anumang pagkain na nalaglag. Huwag maniwala sa “5 seconds” o “10 seconds” na sabi-sabi dahil basta nalaglag, huwag nang kainin.
Ugaliing maghugas ng mga kamay gamit ng sabon at tubig bago humawak ng pagkain.
Hugasang mabuti, talupan o lutuin ang mga sariwang gulay at prutas bago kainin, lalo na kung ang mga ito ay tumubo sa lupa na ginamitan ng dumi ng tao o hayop bilang pampataba ng lupa.
Dumumi lamang sa mga nakatakdang lugar (hal. banyo) at iwasang dumumi sa lupa. Kung ito ay hindi maiiwasan, maghukay ng anim na pulgada o higit pa saka ito ibaon.
Hikayatin ang mga opisyal ng inyong baranggay at bayan na siguraduhing epektibo at malinis ang “sewage disposal systems” o ang wastong pagtatapon ng dumi.
תגובות