@Buti na lang may SSS | September 9, 2022
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay self-employed member ng SSS. Nais kong ituloy ang aking pagbabayad ng kontribusyon, subalit natatakot akong magpunta sa sangay ng SSS dahil sa COVID-19. Mayroon bang paraan upang makapagbayad ako ng aking kontribusyon sa pamamagitan ng online? - Tessie
Sagot
Mabuting araw sa ‘yo, Tessie!
Maaaring makapagbayad ng iyong kontribusyon sa pamamagitan ng mga online payment channels ng SSS. Taong 2018 nang inilunsad ang SSS Mobile App na maaaring i-download ng libre sa App Store, Google Play Store o Huawei AppGallery gamit ang iyong smartphone o Android tablet o cellphone. Layunin nitong maging mas maginhawa ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro. Patuloy na sinisikap ng SSS na maging available ang mga online payment channels nito sa pamamagitan ng ating mga bank, non-bank bank partners para sa iba’t ibang uri ng transaksyon sa SSS sa kapakanan ng ating mga miyembro at employer.
Samantala, ang mga individual paying members tulad ng self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs) ay maaaring magbayad ng kontribusyon gamit ang kanilang PayMaya at BPI account sa pamamagitan ng SSS Mobile App.
Kinakailangan lamang na ikaw, Tessie ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.
Para makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaaring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangang mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.
Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen.
Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon tulad ng type ng membership mo, gayundin ang buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari itong i-download bilang PDF o hindi kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.
Dahil mayroon nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaaring mamili sa pagitan ng PayMaya at BPI. Tiyakin mo na mayroon kang existing account sa iyong napiling online payment channel.
Kung PayMaya ang nais gamitin, i-tap mo ang "Pay with PayMaya Account." Suriin ang detalye ng iyong babayaran bago i-click ang "OK." Mag-log in sa iyong PayMaya account details.
Ipadadala sa iyong mobile number ang one-time pin (OTP). Ilagay mo ang iyong OTP at i-click ang "Proceed." Tiyaking tama ang payment details bago i-click ang "OK." Kapag naiproseso na Tessie ang iyong pagbabayad, may lilitaw na kompirmasyon ng iyong transaksyon.
Samantala, kung pinili naman ang BPI, i-tap ang “BPI” at sunod mong i-tap ang “OK” at “PROCEED.” Dadalhin ka nito sa authentication page ng BPI. Kinakailangan mong mag-log in gamit ang iyong credentials sa BPI at piliin kung aling BPI account ang gagamitin mo.
Magpapadala ang BPI ng 6 na numero bilang OTP sa iyong mobile number at ilagay ito sa blankong espasyo sa BPI site upang makumpleto ang proseso ng iyong pagbabayad.
Kung naging matagumpay ang iyong pagbabayad, makikita mo ang isang notipikasyon sa iyong screen kung saan nakalagay ang petsa at oras ng pagbabayad, PRN, binayarang buwan, halaga ng ibinayad na kontribusyon, at transaction reference number.
Kakaltasan naman ng P15 convenience fee ang iyong BPI account sa bawat matagumpay na transaksyon.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments