ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | December 15, 2023
Dear Chief Acosta,
Ang aking asawa ay nakasuhan ng Estafa sapagkat ang mga koleksyon na kanyang dapat na i-remit sa kumpanyang kanyang pinaglilingkuran ay hindi diumano niya na-remit. Walang naging testigo ang kanilang kumpanya maliban sa kanilang presidente na nagpatunay na sang-ayon sa records ay nag-issue ito ng mga acknowledgment receipts, ngunit ang pera ay hindi diumano pumasok sa bank account ng kumpanya. Hindi tumestigo ang mga taong kinolektahan niya at tanging mga Sinumpaang Salaysay lamang nila ang isinumite sa korte. Maaari ba itong maging basehan ng kanyang conviction? - Janna
Dear Janna,
Ang iyong katanungan ay sinagot ng Korte Suprema sa kasong Danica L. Medina vs. People of the Philippines, G.R. No. 255632, 25 July 2023, Ponente: Honorable Associate Justice Jose Midas P. Marquez. Sang-ayon sa Korte Suprema, ang mga Sinumpaang Salaysay na hindi pinatotohanan sa witness stand ay makokonsidera lamang bilang hearsay evidence:
“Jurisprudence dictates that an affidavit is merely hearsay evidence when its affiant or maker does not take the witness stand. While an affidavit may be a public document, its contents will be considered hearsay unless the affiant takes the witness stand.
Ayon din sa Korte Suprema, ang mga acknowledgment receipts ay mga pribadong dokumento at kinakailangan na mayroong magtukoy sa mga dokumentong ito at magpatunay na ang pirma sa mga nasabing dokumento ay sa akusado dahil ito ay kanyang personal na nakitang ginawa o dahil pamilyar siya sa pirma ng akusado. Ayon sa Korte Suprema:
“While Monforte enumerated the various acknowledgment receipts, payment slips, and statements of account allegedly issued by petitioner Medina in his direct testimony, he did not authenticate them. He did not claim to have seen the execution of the receipts, nor did he explain why or how he became familiar with petitioner Medina's signature.
Only the Statement of Account signed by petitioner Medina and authenticated by Tamondong, indicating the former's receipt of PHP 1,938.00 from Tamondong, and the UCPB Payment Slip also signed by petitioner Medina and authenticated by Dumbab, indicating the former's .receipt of PHP 2,040.00 from Dumbab, were properly admitted into evidence by the RTC.”
Gaya sa kaso ng iyong asawa, ang nag-iisang testimonya ng presidente ng kumpanya ay hindi maaaring sumapat kung walang ibang dokumento o salaysay na direktang magpapatunay na kanyang minis-appropriate ang halagang ipinagkatiwala sa kanya.
Ang mga acknowledgment receipts na hindi ma-authenticate at ang mga Sinumpaang Salaysay ng mga taong kinolektahan na hindi naman tumayo bilang mga testigo ay hindi maaaring maituring na sapat para sa isang conviction. Ayon sa Korte Suprema, ang prosekusyon ang mayroong burden na patunayan ang bawat elemento ng kasong inaatang. Kung ito ay hindi magawa ng prosekusyon, nararapat lamang na ma-acquit ang nasasakdal:
“The above ruling is fully in accord with the principle that in all criminal prosecutions, it is the prosecution that bears the burden: to establish the guilt of the accused beyond reasonable doubt. In discharging such burden, the prosecution has the duty to prove each element of the crime charged in the information to warrant a finding of guilt for that crime or any other crime that is necessarily included therein.”
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments