top of page
Search
BULGAR

Maaari bang maging miyembro ng SSS ang OFW?

@Buti na lang may SSS | July 12, 2022


Dear SSS,

Ako ay overseas Filipino worker sa Dubai. Noong nasa Pilipinas ako ay nagtatrabaho sa kilalang department store at nakapaghuhulog sa SSS. Subalit, mula nang ako ay magtungo sa Dubai ay hindi na ako nakapaghulog ng kontribusyon sa SSS. Maaari ko ba itong ipagpatuloy? – Pauline


Sagot

Mabuting araw sa ‘yo, Pauline!


Malugod nating ibinabalita na maaaring maipagpatuloy ang paghuhulog sa SSS bilang overseas Filipino worker (OFW) member. Sa kasalukuyan, ang minimum Monthly Salary Credit (MSC) para sa mga land-based OFWs na tulad mo ay P8,000, ito ay katumbas naman ng P1,040 kada buwan na kontribusyon.


Para sa iyong kaalaman, 1995 pa noong ipinagtibay ng SSS ang pagsakop sa mga OFWs, ngunit noong Marso 2019 sa bisa ng Republic Act 11199 o Social Security Act of 2018, mandatory na ito para sa lahat ng sea at land based OFWs na hindi pa umaabot sa edad 60.


Sa binanggit mo na ikaw ay dati ng nakapagtrabaho, maaari mo itong ituloy bilang voluntary member. Ang iyong coverage naman ay magsisimula muli sa unang buwan ng iyong pagbabayad ng kontribusyon sa SSS. Samantala, maaari mong bayaran ang iyong kontribusyon para sa Enero hanggang Setyembre alinmang buwan sa kasalukuyang taon kung saan ang last quarter mula Oktubre hanggang Disyembre naman ay maaari mo namang bayaran hanggang sa huling araw ng Enero sa susunod na taon.


Kinakailangan lamang, Pauline na ikaw ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.


Para makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaari kang makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangang mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang hinihinging impormasyon tulad ng buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Maaari ring palitan ang type ng membership sa pamamagitan ng pagpili ng OFW. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap mo ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari mo itong i-download bilang PDF o magtuloy na sa pagbabayad.


Dahil mayroon ka nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap mo ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaaring mamili sa PayMaya, BPI at GCash. Tiyaking mayroong existing account sa iyong napiling online payment channel.


Bukod sa My.SSS at SSS Mobile App, maaari ring magbayad sa mga overseas banks tulad ng Asia United Bank, Bank of Commerce, at Philippine National Bank. Maaari ring gamitin ang website at mobile app ng ilang bangko sa pagbabayad ng iyong kontribusyon tulad ng Security Bank Corp.-Digibanker/Security Bank Online at Union Bank of the Philippines-UnionBank Online. Makapagbabayad din ng kontribusyon sa Cashpinas, I-Remit, Inc., Pinoy Express Hatid Padala Services, Inc., Ventaja International Corp., at LMI Express Delivery Inc.


Tandaan, sa patuloy mong paghuhulog ng SSS, kuwalipikado kang makatanggap ng pitong benepisyo tulad ng sickness, maternity, unemployment, disability, retirement, funeral, death, gayundin ang mga pribilehiyo sa pautang tulad ng salary, calamity, atbp.


Sa pagdaan ng mga taon, ang paghuhulog sa SSS ay pamamaraan ng iyong investment o pag-iimpok bilang paghahanda sa iyong pagreretiro. Ang kontribusyon na inihuhulog mo ngayon sa SSS ay babalik sa iyo bilang pensyon sa katapusan ng mga produktibong taon ng inyong buhay.

 

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page