ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 15, 2022
Tuluyan nang itinabi ng mga kaanak ng sports legend na si Lydia de Vega-Mercado ang kanyang running shoes matapos na bawian ito ng buhay sa edad na 57 dahil sa pakikipaglaban nito sa breast cancer.
Taong 2018 ng matuklasang nasa Stage 4 na ang breast cancer ni Lydia at mismong ang anak niyang si Stephanie ang nagbigay ng detalye na isinailalim ito sa brain surgery noong Hulyo 2022, ngunit nalagay ito sa kritikal na kondisyon.
Marami ang nagbigay ng tulong kay Lydia, hindi lamang sa suportang pinansyal, ngunit napakarami ng nagbigay ng suportang moral at nagdasal hanggang noong Miyerkules (Agosto 10) ng gabi ay tuluyan ng namaalam ang sports icon na si Lydia habang ginagamot sa Makati Medical Center.
Si Lydia ay dating pinakamabilis tumakbong babae sa buong Asya na nagtamo ng gintong medalya sa 100-meter noong 1982, nasundan noong 1986 Asian Games at nanguna sa sprint double sa Asian Athletics Championship noong 1983 at 1987.
Siya rin ang itinanghal na gold medalist sa Southeast Asian Games ng siyam na ulit bago ito nagretiro sa pakikipagtunggali sa larangan ng pagtakbo noong 1994 ngunit patuloy pa rin ang kaniyang suporta sa kapwa niya mga atleta.
Ang pinakahuling pagkakataong lumabas sa publiko si Lydia ay noong opening ceremony ng 2019 Southeast Asian Games, kung saan ay isa ito sa Philippine flag bearer at hindi alam ng marami na matindi na pala ang pinagdaraanan ng reyna ng takbuhan.
Maging ang Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ay nagbigay ng pahayag na isa umano sa pinakamagaling na atleta si Lydia na kanilang nadiskubre sa ilalim ng pamamahala ng mga coach ng gobyerno sa pagsasanay.
Dahil dito ay nagsumite ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 127 bilang paggunita at maiparating natin ang malalim at sinserong pakikiramay para sa pagpanaw ng sports legend na si Lydia de Vega.
Nakapaloob sa iniakda kong resolusyon na si Lydia ay tunay na Asian track and field legend na nagpapakita ng pagiging isang tunay Pilipino — tulad ng pagiging madamdamin, determinado, disiplinado at palaging angat sa lahat ng kanyang ginagawa.
Dahil sa pagluluksa ng buong bansa sa pagpanaw ng tinaguriang greatest track athlete ay mananatili na si Lydia na nakaukit sa kasaysayan dahil sa kabayanihang naiambag niya sa ating bansa kaya marapat lamang na bigyan ng parangal ang isang bayaning, tulad niya na ilang ulit binigyan ng karangalan ang bansa at nagbigay inspirasyon sa iba’t ibang henerasyon ng mga atleta.
Si Lydia na itinuturing na kayamanan ng bansa ay ilang ulit nag-uwi ng international gold medals sa track and field competitions at kinilala siya bilang “Asia’s Fastest Woman” at “Asia’s Sprint Queen” dahil sa pagiging kampeon nito Asian Games, Asian Athletics Championships, at Southeast Asian Games.
Hinangaan din si Lydia maging ng mga atleta sa ibang bansa at ang Philippine Sports Association ay ilang ulit siyang ibinoto bilang “Athlete of the Year” at siya ay nanumpa sa “Hall of Fame” kasama ang iba pang pinagpipitagang sportsmen sa bansa.
Ang tagumpay ni Lydia ay hindi lamang magsisilbing karangalan ng bansa dahil magsisilbi din siyang insperasyon hanggang sa pasalin-saling henerasyon ng ating lahi at ang kaniyang kahusayan ay mananatiling buhay sa puso’t isip ng bawat Pilipino.
Mula taong 2018 nang makumpirmang stage 4 na ang kaniyang cancer ay napakarami pa ng kanyang pinagdaanan at kitang-kita kung paano nakita sa kanya ang kanyang tapang na harapin ang nalalabing sandali sa kanyang buhay.
Hindi biro ang napakahabang panahon ng pakikipaghabulan kay kamatayan ngunit umabot pa ng apat na taon bago tuluyang bumitaw ang dating sprint queen ng Southeast Asia.
Ngunit kung mga kaanak ni Lydia ang tatanungin ay kakaibang laban umano ang ipinakita nito na hindi basta sumuko para sa kanyang mga mahal sa buhay tulad noong kanyang kasikatan na hanggang sa huling hininga ay pilit na nakikipaglaban.
Kay Lydia, hindi mo binigo ang iyong mga kaanak sa buhay, ang buong bansa na minsan ay binigyan mo ng panghabambuhay na karangalan, sa pinakahuli mong laban, kasama mo ang buong bansa sa pinakamakasaysayan mong laban hanggang sa huli.
Salamat sa iyo, Lydia de Vega, nakatala ka na sa mapa ng Pilipinas bilang isa sa pinakamahusay na atleta sa kasaysayan at hinding-hindi ka namin makalilimutan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.co
Commentaires