ni Anthony E. Servinio @Sports | May 7, 2023
Tumikim na ng matamis na tagumpay ang Lyceum of the Philippines-Laguna at pinabagsak ang Saint Dominic College of Asia, 66-57, sa pagbabalik ng 29th National Capital Region Athletic Association (NCRAA) Basketball Tournament noong Huwebes sa Polytechnic University of the Philippines Gym sa Santa Mesa, Maynila. Matapos nito ay winalis ng Centro Escolar University ang elimination ng Women’s Division laban sa host PUP, 62-58.
Nahinto sa walo ang magkasunod na talo ng LPU buhat sa pagbukas ng torneo noong Marso 10. Ipinasok ng Pirates ang unang 14 puntos ng laro sa likod nina Mikko Hidalgo, Mark Banaticla at Ivan Landicho at inabot ng mahigit limang minuto bago nakasagot ang Pikemen.
Lamang sa buong 40 minuto ang Pirates subalit kinailangan ang apat na free throw nina Landicho at Neo Operario sa huling 11 segundo upang mapigil ang huling hirit ng Saint Dominic. Napiling Best Player si Hidalgo na tumira ng apat na three-points patungo sa 16 puntos at 11 rebound.
Pumasok sa laro na parehong malinis ang CEU at PUP at nangyari ang inaasahang mahigpitan laban para maging numero uno. May pagkakataon ang PUP subalit nagmintis ang dalawang free throw ni Sugar Concepcion at napilitan bigyan ng foul si Lovely Altamirano na ipinasok ang dalawang free throw para lumayo ang CEU,61-58, at pitong segundo sa orasan.
Bukas pa rin ang pinto pero inagaw ang bola kay Concepcion at nagresulta ito ng isa pang free throw ni Moanah Cadano para masigurado ang ika-limang panalo ng Lady Scorpions. Nagtapos si Best Player Altamirano na may 11 puntos.
Comentarios