ni Thea Janica Teh | October 20, 2020
Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang 13 lugar sa Luzon dahil napapanatili ng bagyong Pepito ang kanyang lakas papunta sa Aurora at Isabela province, ayon sa PAGASA ngayong Martes.
Kabilang sa 13 lugar na nakapailalim sa TCWS No. 2 ay ang La Union, Pangasinan, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Aurora, bahaging Timog ng Isabela (Palanan, San Mariano, Benito Soliven, Naguilian, Gamu, Burgos, San Manuel, Aurora, Cabatuan, Luna, Reina Mercedes, Cauayan City, Dinapigue, San Guillermo at Angadanan.
Kasama rin diyan ang Alicia, San Mateo, Ramon, San Isidro, Echague, San Agustin, Jones, Santiago City, Cordon), bahaging Timog ng Ilocos Sur (Sugpon, Alilem, Tagudin), hilagang bahagi ng Zambales (Iba, Palauig, Masinloc, Candelaria, Santa Cruz, Botolan, Cabangan) at hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar).
Samantala, 12 lugar naman sa Luzon ang nakapailalim sa TCWS No. 1 kabilang ang Abra, Kalinga, Mountain Province, Bulacan, Pampanga, Bataan, Metro Manila, Rizal, hilagang bahagi ng Camarines Norte (Paracale, Jose Panganiban, Capalonga, Vinzons), Catanduanes at ilan pang natitirang bayan sa Quezon at Zambales.
Huling namataan ng PAGASA ang sentro ng bagyong Pepito sa 195 kilometrong silangang bahagi ng Baler, Aurora nitong ala-una nang hapon. Ito ay may maximum sustained wind na 65 km per hour at may bugso ng hangin na nasa 80 kph.
Maaari rin umanong mag-land fall ang bagyo sa pagitan ng 7pm at 11pm ngayong Martes sa Aurora-Isabela area.
Bukod pa rito, maaari pa itong lumakas at maging tropical storm sa darating na Huwebes kung kailan din inaasahan na lalabas na ito ng bansa.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang lahat ng residente na mag-ingat dahil posibleng bumaha at magkaroon ng landslide dahil sa malakas na pag-ulan.
Comments