ni Lolet Abania | January 20, 2022
Posibleng magkaroon ng mga brownout sa Luzon sa darating na summer o tag-init, kasama na rito ang nakatakdang araw ng eleksyon, ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Ito ang naging babala ng NGCP na anila, manipis umano ang reserbang kuryente dahil taun-taon ay tumataas ang konsumo ng lahat, habang kinakailangang magkaroon ng maraming itinatayong power plants bago pa ang tag-init.
Sinabi ni NGCP spokesperson Cynthia Alabanza, sakto lamang ang suplay sa inaasahang pangangailangan sa darating na tag-init, subalit sakaling may mga plantang pumalya maaari aniya itong mauwi sa red alert o power interruption.
“Kung kulang po ang supply ng kuryente at hindi ito sapat para mapunan ang pangangailangan natin, wala hong magiging choice ang transmission at distribution kundi mag-implement ng rotational power interruption. Ibig sabihin, ilang oras sa isang araw, posible po tayong mawalan ng serbisyo ng kuryente,” paliwanag ni Alabanza.
Hinimok naman ng NGCP ang mga consumers na mas magtipid pa sa paggamit ng kanilang kuryente para hindi na umabot sa tuluyang pagkaubos ng reserba nito.
Tinanong naman ni Department of Energy (DoE) Secretary Alfonso Cusi ang solusyong gagawin ng NGCP hinggil sa posibleng brownout sa Luzon.
Ayon kay Cusi, gumagawa ng paraan ang pamahalaan para masolusyunan ang problemang ito subalit ang NGCP na may responsibilidad dito ang siyang dapat na unang magresolba nito.
Kinuwestiyon din ni Cusi ang NGCP, kung tiniyak nitong available ang lahat ng power stations, konektado at walang nagaganap na congestion sa mga ito, habang nakakontrata ba aniya, ang ancillary services na maaaring magamit kapag nagkaroon ng emergency.
Sa ngayon, wala pang naging pahayag ang NGCP.
Comments