top of page
Search
BULGAR

Lupang ginamit na garantiya, puwedeng habulin ng creditor

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 2, 2023


Dear Chief Acosta,


Ang aking kapatid ay nangutang ng halagang P5,000,000.00 mula sa kanyang kaibigan, na kung saan ako ang tumayong guarantor. Ayon sa aming kasunduan, ang aking lupa ang tatayong garantiya, at kami ay pumirma ng kontrata kaugnay nito. Sa kasamaang palad ay nabigong magbayad ang aking kapatid, kaya naman nais ng aking pinsan na ipa-foreclose ang nasabing lupa, kahit na hindi niya napatunayan na walang sapat na ari-arian ang aking kapatid upang mabayaran ang utang. Maaari ba iyon? - Carlo


Dear Carlo,


Ang batas na sasaklaw patungkol sa iyong katanungan ay ang Republic Act No. 386 o mas kilala bilang The New Civil Code of the Philippines. Nakasaad sa Articles 2058 at 2085 ng nasabing batas na:


“Article 2058. The guarantor cannot be compelled to pay the creditor unless the latter has exhausted all the property of the debtor, and has resorted to all the legal remedies against the debtor.


Article 2085. The following requisites are essential to the contracts of pledge and mortgage:

(1) That they be constituted to secure the fulfillment of a principal obligation;

(2) That the pledgor or mortgagor be the absolute owner of the thing pledged or mortgaged;

(3) That the persons constituting the pledge or mortgage have the free disposal of their property, and in the absence thereof, that they be legally authorized for the purpose.

Third persons who are not parties to the principal obligation may secure the latter by pledging or mortgaging their own property.”


Ayon sa mga nabanggit na probisyon ng batas, bagama’t ang isang guarantor ay hindi maaaring pilitin na magbayad ng utang hangga’t hindi napapatunayan ng creditor na ang lahat ng legal na hakbang laban sa debtor o taong nangutang ay kanya nang nagawa, ang nasabing karapatan ay hindi iiral kung siya mismo ay nagbigay ng kanyang ari-arian bilang garantiya sa utang. Sa nasabing pagkakataon, ang creditor ay maaaring gumawa ng hakbang laban sa lupang ginamit na garantiya upang masigurado ang kabayaran sa nasabing utang. Kaya naman, maaaring habulin ng creditor ng iyong kapatid ang lupang iyong ibinigay bilang garantiya kahit pa hindi napapatunayan ng creditor na walang sapat na ari-arian ang iyong kapatid.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page