top of page
Search
BULGAR

Lung Transplant Program, meron na rin sa ‘Pinas

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | January 28, 2024


Sa datos mula sa Department of Health (DOH) noong 2022, lumalabas na ang sakit sa baga ang numero uno, panlima, pangpito at pangsiyam na karamdamang nakamamatay sa Pilipinas. Katunayan, nananatiling nangunguna sa pinakamataas na bilang ng karamdaman ng mga Pilipino sa bansa ang acute respiratory tract infections mula 2021 hanggang 2022.


Sa totoo lang, maging viral man o bacterial ang mga impeksyong ito, nagagamot na ito sa modernong panahon, kung naaagapan. Pero kung patuloy nating babalewalain ang karamdamang ito, tiyak na lalala at maaaring mauwi sa pneumonia, chronic lower respiratory diseases tulad ng chronic bronchitis, emphysema, asthma at respiratory tuberculosis. Mangyari pang ang serious pulmonary ailments na ito ay naging pang-anim, pangpito at pangsampung dahilan ng kamatayan ng Pilipino noon pa ring 2022.


Daan-daang libo kundi man milyun-milyong Pinoy ang sa kasalukuyan ay nagtataglay ng sakit sa baga. At dahil dito, napakahalaga na mayroong tunay na kakayahan ang ating specialty hospitals tulad ng Lung Center of the Philippines (LCP), gayundin ang iba pang health facilities sa iba’t ibang panig ng bansa.


Sinuong natin ang problemang ito sa pamamagitan ng pagsasabatas, Agosto nang nakaraang taon, ng Regional Specialty Centers Act o ang RA 11959, kung saan tayo ay naging co-author. 


Sa ilalim ng naturang batas, inaatasan ang DOH na magtatag ng specialty centers sa mga ospital sa bawat rehiyon upang matutukan ang cancer care, cardiovascular care, renal care at kidney transplants, gayundin ang brain and spine care, trauma care, burn care at lung care.


Nakatutuwa na kamakailan lang, nagkaroon ng malaking katuparan ang isang pangarap -- ang magkaroon tayo ng lung transplant program sa bansa. Ito ay matapos ilunsad ang Lung Transplant Program sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos, kasama ang LCP at ang National Kidney and Transplant Institute (NKTI) na dinaluhan din ng inyong lingkod.


Ang paglulunsad ng nasabing programa ay sinaksihan din nina Mayor Joy Belmonte, Batanes Rep. Ciriaco Gato, LCP Executive Director Dr. Vincent Balanag, NKTI Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquette, and Chairperson of the LCP-NKTI Lung Transplant Program Dr. Edmund Villaroman.


Isa sa mga layunin ng programa ang makapagpatupad tayo ng kauna-unahang human lung transplant sa Pilipinas, isang taon matapos itong mailunsad. Nangangahulugan, may pag-asa na para sa mga kababayan nating nangangailangan ng ganitong proseso.


Sa kasalukuyan kasi, wala ni isa mang pagamutan sa Pilipinas ang may ganitong kakayahan, kaya’t napakalaking bagay na sa mga darating na panahon, maisasagawa na sa mga pasyenteng dapat sumailalim sa lung transplant ang ganitong procedure.


Bilang chairman ng Senate Committee on Finance mula pa noong 2019, taun-taon ay tinitiyak nating may pondo tayo para sa health sector. At noon ngang 2022, ginawa natin ang lahat upang mapondohan ang LCP nang hanggang P20 milyon upang mapasimulan na ang kanilang transplant program at dagdag pang P25 milyon para sa kanilang inisyatibong Early Detection sa mga sakit sa baga.


Nakatulong nang malaki ang mga pondong ito lalo na sa mga doktor nila noong 2022, na makapag-training at magkaroon ng sapat na exposure sa mga institusyon kung saan ginagawa ang maraming transplants tulad ng Medical University of Vienna at sa Toronto General Hospital.


At sa pagsasakatuparan natin ng programang ito sa ating bansa, naging napakahalaga ng policy guidelines ng ating Pangulong Marcos sa pagpapatupad ng lung transplant program. Kung inyong matatandaan, isa ito sa talagang madalas na binabanggit niya noong kampanya – gayundin ang mabigyan ng sapat na pondo ang ating specialty hospitals.


Sapagkat ang inyong lingkod ay isa ring masugid na tagapagtaguyod ng mas pinaigting na healthcare sa bansa, tiniyak nating matutupad ang bisyon na ito. Kaya nga’t sa ilalim ng 2024 budget, naglaan tayo ng P130 milyon sa LCP para sa pagsisimula ng programang ito. Ang pagtupad ng pangarap ay naisasakatuparan kung tayo at lahat ng sektor ay nagtutulung-tulong.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page