top of page
Search
BULGAR

Lumang jeep, tuloy — LTFRB

ni Jeff Tumbado | February 7, 2023



Palalawigin pa ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep sa layong matiyak na walang tsuper ang mapag-iiwanan ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Kasunod ng huling deliberasyon para sa PUVMP, kinumpirma ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III na napagpasyahan ng mga miyembro ng Board na palawigin ang mga prangkisa ng tradisyunal na jeep, sa ikaapat na pagkakataon.


Gayunman, nilinaw ni Guadiz na kailangan munang isapinal ang mga detalye hinggil sa mga alituntunin kaugnay ng pagpapalawig ng bisa ng mga prangkisa ng tradisyunal na jeep.


Tinukoy ni Guadiz na mula sa target na bilang ng mga yunit na ilalahok sa modernisasyon, nasa 60% ng mga jeep ang sumailalim na sa PUVMP, habang 40% ang hinihintay na makalahok sa nasabing programa.


“Hindi namin gustong mayroong maiiwan kaya nais namin na kahit 95% lang ng mga dyip ang maging handa na kapag itinuloy namin ang PUV modernization program,” pagdidiin ni Guadiz.


“However, sa meeting, pag-uusapan din namin kung may mga area na talagang fully-modernized na, baka doon ilatag na namin nang tuluyan ‘yung full modernization (program). But on areas na kulangkulang pa o wala pang modernized jeepney, we will still stick to the traditional jeepney,” dagdag pa ni Guadiz.


Bukod sa hindi pa handa ang lahat ng mga jeep na maging modernisado, sinabi rin ni

Guadiz na isinaalang-alang nila ang iba pang mga problema sa sektor ng transportasyon.


Kabilang na aniya rito ang kakulangan sa mga pampublikong sasakyan na matutugunan sakaling palawigin pa ang bisa ng mga prangkisa ng mga tradisyunal na jeep.


Ayon pa kay Guadiz, naiintindihan ng ahensya na maaaring hindi magkaisa ang mga operator at tsuper para sumali sa iisang kooperatiba kaya’t pinag-aaralan na nila ang posibilidad na magtalaga ng dalawa o tatlong kooperatiba sa bawat isang ruta, na maaaring salihan ng mga operator at tsuper.


Bukod dito, nais din ng ahensya na maging balanse at matiyak na walang operator o tsuper na maiiwan kaya palalawigin din nito ang palugit para sa pagtalima sa mga regulasyon sa ilalim ng PUVMP.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page