ni Mylene Alfonso | June 23, 2020
Posibleng makabiyahe pa rin ang mga tradisyunal na public utility jeepneys sakaling hindi sumapat sa mga mananakay ang iba't ibang uri ng transportasyon.
Sa gitna na rin ito ng pangamba ng mga jeepney operators at drivers na hindi na sila makabalik sa lansangan.
“Sila ‘yung nasa baba ng hierarchy, kinakailangan natin masigurado na hindi sapat ang mga bus, ang mga modern jeepneys at ang mga UV express,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa online briefing sa Palasyo.
"’Pag ‘di po sapat ‘yan, kasama d’yan ang mga taxi at TNVS [transport network vehicle services], eh, baka pupuwede naman silang payagan. Ang basehan ng desisyon ng ating gobyerno ay ‘yung mananakay, kung talagang meron silang masasakyan," ayon kay Roque.
Habang nakabalik na kahapon sa kanilang operasyon ang 300 modern jeepneys na may 15 ruta para sa second phase naman ng Department of Transportation.
Dagdag ni Roque, sakaling payagan naman na makabiyahe ang mga provincial buses ay posibleng ipatupad ito sa mga nasa ilalim ng modified general community quarantine.
Comments