top of page
Search
BULGAR

Lumalalang pang-aabuso sa kababaihan, tuldukan!

ni Grace Poe - @Poesible | November 30, 2020



Kailan lamang, naimbitahan tayong magsalita sa 16 Days of Activism against Gender-Based Violence para pag-usapan ang karahasan nang dahil sa kasarian. Pinagtuunan natin ng pansin ang karahasan laban sa kababaihan.


Alam ba ninyo, na sa 2017 National Demographic and Health Survey, lumalabas na 1 sa 4 na Pilipina na may edad 15-49 ang nakaranas ng pisikal, emosyunal, o seksuwal na pang-aabuso mula sa kanilang asawa o kinakasama? Ang masaklap, hindi lamang ito dito sa ating bansa nagaganap. Itinuturing na worldwide phenomenon ang gender-based violence dahil 1 sa 3 babae ang tinatayang makararanas nito sa buong mundo.


Ang masama pa, kapag humihingi ang tulong ang mga biktima, hindi sila pinapansin at sineseryoso ng mga nakapaligid sa kanila dahil ito ay “away-mag-asawa” lamang. Dahil rito, maraming babae ang pinanghihinaan ng loob na magsuplong sa awtoridad. Samantala, ang iilang naglakas-loob ay nakararanas ng pang-aalipusta mula sa mga nakapaligid sa kanya.


Nakababahala na ngayong panahon ng pandemya, mas delikado ang kalagayan ng mga babaeng naaabuso. Isipin mo, nakakulong ka sa bahay kasama ang taong nagmamaltrato sa iyo. Sa ganitong situwasyon, mas malaki ang panganib na muli na namang makaranas ng karahasan ang babae sa kamay ng nang-aabuso sa kanya, lalo pa sa mga sambahayang apektado ang kabuhayan. Dahil sa limitadong paggalaw ng mga tao pati na ang tensiyon dulot ng kawalan ng trabaho at pagkakakitaan, lalong nagiging lantad ang babae sa kapahamakan sa kamay ng taong inaasahan niya sanang mag-alaga at magmahal sa kanya.


Ang karahasan laban sa kababaihan at sa kanilang mga anak ay isa sa pinakamalalang klase ng pang-aabuso ng karapatang-pantao dahil pangmatagalan ang epekto nito.

Sinasabi nating ilaw ng tahanan ang ating mga ina; huwag nating padilimin ang kanilang liwanag. Pangalagaan natin sila at proteksiyunan laban sa pananakit.


May batas na tayong umiiral para sa proteksiyon ng kababaihan, ang Republic Act No. 9262, o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act. May Women’s Desk sa ating mga barangay at presinto. Kung dumaranas ng pang-aabuso mula sa asawa o karelasyon, maaaring dumulog sa Women’s Desk para sa kaukulang aksiyon at suporta. Kung may panganib sa kaligtasan at buhay, maaaring magbigay ang barangay ng Barangay Protection Order.


Ang isang lipunang malay sa mga karapatan ng kababaihan at iginagalang ang mga ito ay progresibo. Walang puwang ang pananakit sa kababaihan sa mundong sibilisado.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page