top of page
Search

Lumalabas na si PBBM, nag-utos sa majority senators na i-zero subsidy ang PhilHealth

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Dec. 18, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

DAHIL APRUB KAY PBBM ANG ZERO SUBSIDY SA PHILHEALTH, LUMALABAS NGAYON NA SIYA ANG NAG-UTOS SA MGA KAALYADONG SENADOR NA ‘WAG BIGYAN NG BUDGET -- Sabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ay tama raw ang ginawa ng majority senators na huwag nang bigyan ng subsidy ng gobyerno ang PhilHealth dahil nga raw ay malaki pa ang pondo ng ahensyang ito.


Dahil sa sinabing iyan ni PBBM ay pinutakti na naman siya ng batikos ng publiko at netizens sa social media kasi lumalabas ngayon na siya ang nag-utos sa mga kaalyado niyang senador na i-zero budget o subsidy ang PhilHealth, boom!


XXX


KUNG WALANG PANGGIGIBA KAY SEN. BONG GO, MALAMANG SIYA LAGI ANG RANK 1 SA KADA LABAS NG SENATORIAL SURVEYS -- Sa kabila ng mga panggigiba ng ilang anti-Duterte resource persons ng Quad Committee ng Kamara kay Sen. Bong Go ay bigo silang mailaglag ito sa top 12 senatoriables sa 2025 midterm elections.

Sa senatorial survey kasi ng Publicus Asia noong Dec. 14, 2024 ay rank number 5 si Sen. Bong Go, at sa survey kamakalawa (Dec. 16) ng Tangere Research Firm ay rank number 4 ang senador.


Kung walang panggigiba o paninira laban kay Sen. Bong Go ang mga QuadComm resource persons na sina former PCSO General Manager Royima Garma, former Sen. Antonio Trillanes, wanted na si former Col. Eduardo Acierto, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Deputy Director General (DDG) Renato Gumban, ay malamang laging rank number 1 ang senador sa kada labas ng 2025 senatorial survey, period!


XXX


KAHIT MGA QUADCOMM MEMBER HINDI NANIWALA SA MGA ALEGASYON LABAN KAY SEN. BONG GO -- Ang matinding demolition job o panggigibang ginawa kay Sen. Bong Go ay ‘yung isinama ni PDEA DDG Gumban ang pangalan ng senador sa drugs matrix at mabuti na lang ay inusisa ni ACT Teacher Partylist Rep. France Castro ang PDEA kung sangkot sa kalakaran ng droga ang senador, at nang sabihin ng PDEA official na hindi at kaya lang daw nila isinama sa matrix si Sen. Bong Go ay dahil kakilala raw nito si Alan Lim na nasasangkot daw sa droga. Kaya sa buwisit nina Cong. Castro, QuadComm chairman Surigao del Sur Rep. Ace Barbers at Manila 6th Dist. Rep. Bienvenido Abante, sinermunan nila ang mga taga-PDEA at sinabihang huwag magsama sa matrix ng pangalang hindi naman sangkot sa droga at huwag gagamitin ang komite para siraan ang senador.


Ibig sabihin niyan, kahit ang mga QuadComm member ay hindi naniniwala sa mga alegasyon ng anti-Duterte resource persons kay Sen. Bong Go, period!


XXX


IMBES BIGYANG SAYA ANG MGA PINOY DAHIL MAGPA-PASKO NA, BINIBIGYANG DUSA PA NG MARCOS ADMIN -- Kahapon ay nagpairal na naman ng panibagong oil price hike ang mga kumpanya ng langis at ito ay aprubado ng mga “bata” ni PBBM sa Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) at dahil diyan ay asahan nang tataas na naman ang presyo ng mga bilihin at bayarin.


Hay naku, ilang araw na lang ay Pasko na, at imbes bigyang saya ng Marcos admin ang mga Pinoy, eh nagbibigay pa ng dagdag-dusa sa mamamayan, buset!

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page