top of page
Search
BULGAR

Lumalaban pa ang 4 na Pinoy GM sa FIDE Olympiad

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 17, 2020



Isang panalo kontra sa dalawang talo lang ang naisukbit ng Pilipinas sa kalagitnaan ng bakbakan kaya nanatili ito sa panglimang baitang sa Division 2 ng Group of Death na Pool “A” sa ginaganap na FIDE Online Chess Olympiad.

Dinaig ng bansa ang Belarus sa round 4 (4.5-1.5) pero hindi nito kinaya ang tikas ng Belgium (2.5-3.5; round 5) at ng Australia (2.0-4.0; round 6) kaya pagkatapos ng anim na yugto ay meron lang itong anim na puntos.

Nauna rito, nakulekta ng Pilipinas, may rating na 2144, ang mga panalo laban sa Kyrgyztan (rating: 1846), 6-0 at Southeast Asian rival Indonesia (rating: 2188), 3.5-2.5 bago tumiklop sa powerhouse Germany (rating: 2327), 1.0-5.0 sa unang tatlong yugto.

Tumatrangko sa pulutong ang Bulgaria (12.0 puntos) at Germany (12.0 puntos) habang nasa pangatlong at pang-apat na posisyon ang Australia (10.0 puntos) at Indonesia (8.0 puntos) ayon sa pagkakasunod-sunod.

Inaasahang hahataw sa huling tatlong rounds ang mga pambato ni GM Eugene Torre na sina Grandmaster Rogelio Barcenilla Jr., GM Mark Paragua, Woman GM Janelle Mae Frayna, International Master Daniel Quizon at Woman IM Kylen Joy Mordido para makapasok sa top 3 at makasikad paakyat sa Division 1.

Samantala, ang IPCA naman ni Pinoy FIDE Master Sander Severino (na sumampa sa Division 2 galing sa Division 3) ay nasa pampitong puwesto dahil sa natipong tatlong puntos sa sagupaan sa Pool B. Romania ang bumabandera sa pangkat.

0 comments

Komentar


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page