ni Mary Gutierrez Almirañez | April 6, 2021
Iimbestigahan ang pagkamatay ng isang curfew violator sa Cavite matapos mag-pumping exercise ng 300 beses, ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya ngayong umaga, Abril 6.
Aniya, “Lumalabas sa report, diumano, itong tao raw na ito ay inaresto ng mga village guards at inilipat sa barangay at ‘yung barangay naman ay ibinigay sa pulis. So, meron pong dalawang ahensiya dito na involved. Unang-una, 'yung local government unit. Pangalawa, ‘yung ating kapulisan.”
Kuwento pa ni Reichelyn Balce, live-in partner ng yumaong si Darren Peñaredond, lumabas ng bahay si Darren nitong Sabado para sana bumili ng mineral water ngunit hinuli at dinala ito sa General Trias Police Station kung saan unang ipinagawa rito ang 100 beses na pumping exercise. Ipinaulit pa iyon hanggang umabot nang 300 beses.
Nilinaw ni Reichelyn na may sakit sa puso si Darren. Nang gabi ring iyon ay isinugod nila sa ospital ang lalaki ngunit namatay din kalaunan.
Itinanggi naman ng General Trias Police na si Chief Police Lieutenant Colonel Marlo Solero ang ipinagawa kay Darren at iginiit na pinag-community service lamang nila ito.
Paliwanag ni Malaya, “Nakipag-ugnayan na po tayo sa Kampo Crame, kay Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag, at nagbigay na po tayo ng direktiba na imbestigahan kaagad-agad kung mayroon bang mga paglabag sa protocol o kaya naman nagkaroon ng iregularidad ‘yung ating mga kapulisan. We can assure the public na kung meron mang pagkukulang ang ating kapulisan, sisiguraduhin po natin na sila ay mananagot dito. Ito naman pong LGU ay meron ding imbestigasyon at hinihintay po namin ang report mula naman sa city government of General Trias.”
Samantala, inirekomenda naman ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na palitan na lamang ng community service ang parusa sa mga quarantine violators sa halip na ikulong o pagmultahin ang mga ito.
Aniya, “I also recommended that in the enforcement, the stricter enforcement of the ordinances, that LGUs consider the possibility of imposing na lamang the penalty of community service for those who will continue to violate our ordinances rather than imprison or rather than putting them in jail or fining them, eh, kasi talaga ngang mahirap na ang buhay sa ECQ.”
Comments