top of page
Search

Luis Manzano, nawalan ng P66 M, nagpasaklolo sa NBI

BULGAR

ni Julie Bonifacio @Winner | February 1, 2023



Nagpasaklolo na ang aktor na si Luis Philippe "Lucky" Manzano sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang Flex Fuel Petroleum Corporation matapos siyang lapitan ng mga investors nito para humingi ng tulong sa pagbawi ng kanilang mga investment sa fuel company na isa sa ilang kumpanyang kasalukuyang may utang nang mahigit 66 million pesos sa aktor-TV host-businessman.


Sa isang liham na naka-address kay NBI Director Atty. Medardo De Lemos na may petsang Nobyembre 8, 2022, sinabi ni Manzano sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Regidor Caringal, na nagpasya siyang alisin ang kanyang investment at nagbitiw bilang chairman of the board ng ilang korporasyon sa ICM group na pinamumunuan ni Chief Executive Officer Ildefonso "Bong" Medel, kabilang ang Flex Fuel Petroleum Corporation.


Ayon kay Caringal, "Iba't ibang indibidwal na nagsasabing sila ay mga namumuhunan/kasamang may-ari ng Flex Fuel ay nakikipag-ugnayan sa aming kliyente para sa tulong."


Sinabi ni Caringal na umaapela si Manzano sa NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa bagay na ito dahil nabigo si Medel na tugunan ang mga concerns ng mga nasabing investors.


Sa isang affidavit na may petsang Disyembre 21, 2022, ipinaliwanag ni Manzano na ginawa siyang chairman ng board ng mga kumpanya ni Medel bilang isa sa mga garantiya para sa kanyang pamumuhunan.


Gayunpaman, binigyang-diin ni Manzano na "I never took part in the management of the business" at kalaunan ay nagbitiw at pormal na humiwalay sa mga kumpanya ng grupo ng ICM, kabilang ang Flex Fuel.


"Bong conduct the business in such a way that operational matters were kept away from me," ani Manzano, na idinagdag na hindi ibinunyag ni Medel ang "important matters" sa kanya.


Sa parehong affidavit, isinalaysay ni Manzano na matapos magbitiw sa Flex Fuel at iba pang kumpanya ng ICM noong Pebrero 2022, iba't ibang investors ang lumapit sa kanya para humingi ng tulong, ngunit matapos itong maiparating kay Medel, walang aksiyon na ginawa ang huli.


"Hanggang ngayon," ani Manzano sa kanyang salaysay, "may mga indibidwal pa rin na lumalapit sa akin para sa tulong tungkol sa kanilang mga pamumuhunan sa Flex Fuel."

Bukas ang pahayagang Bulgar sa panig ni G. Bong Medel.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page