top of page
Search

Lugi na naman! Bakit napipilitang itapon ng magsasaka ang kanilang ani?

BULGAR

by Info @Editorial | Mar. 28, 2025



Editorial

Nakapanlulumo ang sitwasyon ng mga magsasaka sa tuwing napipilitan silang itapon na lang ang mga inani dahil sa napakababang presyo ng produkto.


Tulad sa Nueva Vizcaya, nasa 2,000 kilo ng kamatis ang itinapon na lang sa gilid ng kalsada. 


Ayon sa mga magsasaka, sobrang lugi sila sa presyo at gagastos pa sa transportasyon at mga trabahador.


Samantala, may ibang magsasaka na itinigil na ang pag-ani ng kamatis para makaiwas sa dagdag-gastos.


Ito ay nagpapakita ng malupit na kalagayan ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas, kung saan ang mga magsasaka na siyang may pinakamabigat na pasanin sa produksyon ay ang kadalasang nagiging biktima ng mga hindi makatarungang sistema.


Ang pagkatalo ng presyo ng kamatis ay isang direktang resulta ng mga sistema ng kalakalan na nagpapahirap sa ating mga lokal na magsasaka. 


Habang ang mga produkto ng ibang bansa ay dumarating sa bansa na mas mura, nahihirapan ang ating mga magsasaka na makipagkumpitensya. 


Kung mayroon lamang silang mga kinakailangang makinarya at mga pasilidad tulad ng mga cold storage, mas magiging madali na mapreserba ang kanilang ani at maibenta ito sa tamang presyo. 


Kailangan ang isang malalim na reporma sa mga sistema ng kalakalan at mga polisiya ng gobyerno upang tiyakin na ang mga lokal na produkto ay may tamang halaga at proteksyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page