ni Jasmin Joy Evangelista | January 17, 2022
Nagluwag sa pagpoproseso ng mga dokumento ang LTO, Social Security System at Pag-IBIG Fund ngayong panahon ng pandemya.
Ang LTO, pinalawig din ang bisa ng mga lisensiya.
“Ang mga mag-eexpire ng January extended iyan hanggang March, 'yung mag-expire ng February, extended hanggang April at yung March, extend hanggang May, at kung kailangan i-extend ng mas mahaba pa gagawin natin yan," ani LTO chief Edgar Galvante.
“Ang ibang ibang offices ng LTO na naka locate sa mga mall, nagsasara iyan mga 7 p.m. even on Saturdays. Kung bukas iyong mall, bukas rin iyong LTO office," dagdag niya.
Ang validity ng temporary operators permit, student permit, conductor's license at medical certificates na tatapat ang expiration sa Enero, Pebrero, at Marso ay pinalawig din.
Extended naman ang renewal ng mga sasakyang nagtatapos sa 1 ang plaka, hanggang Pebrero.
Tuluy-tuloy naman ang transaksiyon sa SSS sa kabila ng pagkakasakit ng ilang tauhan nito.
“Kaya nakikiusap po kami sa ating mga miyembro, sa ating mga employer, gamitin po natin iyong online facility para safe tayo and also makatulong din tayo doon sa pagsugpo nitong paglaganap ng COVID," ani SSS Public Affairs and Special Events Division head Fernando Nicolas.
Nilinaw din ng ahensiya ang maaaring mag-apply ng sickness benefit claim.
"Kahit anong klaseng sakit iyan kahit na flu or Covid or ano pa ba, basta po nagkaroon kayo ng sakit at hindi nakapasok ng apat na araw, at least 4 days, minimum of 4 days, kayo po ay pwede mag file ng sickness benefit claim sa SSS," ani Nicolas.
Magpapatuloy din ang serbisyo ng Pag-IBIG Fund ayon kay Atty. Kalin-Lei Franco-Garcia, na Vice President for Public Relations and Info Servces.
“Ang PAG-IBIG fund po ay nag-ooffer pa rin po ng 100 percent full service po sa aming mga branches. Ine-encourange po namin na mag online po sila, tulad po ng SSS, karamihan po ng aming services ay available na online, kahit po yung mine-mention ko na housing loan application na drop box lang, puwede na rin po iyon online," ani Franco-Garcia.
Para sa mga inquiries at concerns, maaaring makipag-ugnayan sa LTO, SSS, at Pag-IBIG sa kani-kanilang hotline numbers at social media accounts.
Comments