ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 1, 2024
Inaasahang magiging matagumpay ang hakbang na ito ng Philippine Coast Guard (PCG) na tulungan ang operatiba ng Land Transportation Office (LTO) sa kanilang mas istriktong pagpapatupad ng ‘No Registration, No Travel’ policy.
Ito ang kinumpirma ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, matapos na makipag-meeting sa mga opisyales ng PCG Investigation and Detection Management Service upang maisapinal ang strategic plan ng kanilang polisiya.
Sa nabanggit na pagpupulong, sinabi ni Mendoza na marami na silang natatanggap na reklamo mula sa transport groups hinggil sa mga driver at operator na hindi rehistrado ang mga sasakyan at malaking tulong ang PCG para masugpo ang problemang ito.
Base sa reklamo ng transport groups, ang mga kolorum na driver at operators ay kumukuha ng halos 30 porsyento ng kanilang kita sa araw-araw kung saan sila na mga nakarehistro ang mga sasakyan.
“Naiintindihan namin ang reklamo at concerns ng mga lehitimong drivers at operators kung kaya’t ito ang nagbunsod sa atin upang lalong palakasin ang ating koordinasyon at kapabilidad sa pakikipagtulungan ng PCG at iba pang ahensya upang sugpuin ang mga kolorum na sasakyan na ito,” pahayag pa ni Mendoza sa isang press release.
Magugunitang, naglabas ng datos ang LTO na nagkumpirmang may 182,458 delingkuwenteng behikulo at hindi rehistrado mula Enero 1 hanggang 23.
Si Mendoza ay nakipagpulong sa PCG upang pag-usapan at maisapinal na ang “No Registration, No Travel” policy strategic plans. Kumbaga, walang unregistered vehicles ang makakasakay ng barko hangga’t hindi rehistrado ang kanilang mga sasakyan.
Sa nasabing datos, mayroong 48,714 mga motor vehicles, 133,744 naman ay mga motorsiklo. Samantalang naitala naman ang LTO-National Capital Region (NCR) office na may pinakamataas na bilang ng delingkuwenteng mga motor vehicle registrations sa kaparehong buwan na may bilang na 32,370 hindi rehistrado. Sinundan naman ito ng LTO-Region VII na mayroong 22,729; LTO Region III na may 22,133 at LTO-Region IV-A na may 18,428 bilang ng mga hindi rehistradong sasakyan.
Ang mga behikulong ito na halos karamihan ay paso na at hindi na naipaparehistro ng mga may-ari. Ipinaliwanag din ng LTO na mayroon pang 24 milyong motor vehicles na paso na ang rehistro, at karamihan nito ay pawang motorsiklo.
Matagal na rin naman itong problema at sana nga ay maging positibo ang pagsanib-puwersa ng PCG at LTO. Inaasahan natin na ang joint force na ito ay magiging daan upang maalarma at sumunod ang mga pasaway na may ari ng mga sasakyan.
Sa palagay ko, kapag hindi pa rin lubusang maresolba ang problema nating ito, kinakailangan na nating kalampagin ang lahat ng otoridad upang makipagtulungan na sugpuin at hulihin ang mga delinquent motor vehicle owners.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comentarios