top of page
Search
BULGAR

LTO, galaw-galaw naman sa plaka at driver’s license

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | August 3, 2023

Ilang araw bago ang nagdaang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ay inanunsiyo ng Land Transportation Office (LTO) na halos 5,000 kopya ng driver’s license cards ang nakatakdang dumating.


Inaasahang makagagawa umano ang Banner Plasticard, Inc. ng 15,000 hanggang 30,000 cards kada araw sa loob ng 10 araw bilang bahagi ng commitment nito na maipamahagi ang 1 milyong cards sa susunod na 60 araw.


Ang Banner Plasticard, Inc. ang mapalad na ginawaran ng kontrata ng Department of Transportation (DOTr) para gumawa ng 5.2 milyong plastic cards.


Matatandaan na noong nakaraang Abril ay naharap ang LTO sa kakulangan ng plastic card na kinakailangan para sa driver’s license kaya ang ginawa ng ahensiya ay nag-isyu na lamang ng temporary licenses na naka-imprenta sa papel.


Ang lahat ng ito ay inunawa at pinagpasensyahan ng mga motorista, bagama’t may mga nagkakamot sa ulo dahil sa nangyari ay wala magawa ang mga motorista kung hindi ang sumunod at pinagtiyagaan ang temporary driver’s license.


Dalawang linggo na ang nakararaan ay inilahad naman ng Commission on Audit (COA) na sa kanilang 2022 annual audit sa DOTr ay umabot sa 1,797 milyong pares ng license plates na nagkakahalaga ng P808, 702 milyon na binayaran na ng mga car owners mula 2015 ay hindi pa naidedeliber ng LTO.


Lumalabas na ang natitirang 2,561,629 pares ng motor vehicle (MV) replacement plates na binayaran na ng mga car owners sa kanilang pagre-renew ng sasakyan at nasa 764,514 pares lamang ang na-produced ng LTO na attached agency ng DOTr hanggang Disyembre 31, 2022.


Pero umabot lang sa 506,059 pares ng plaka ang naiisyu sa mga regional offices para mai-release na sa mga car owners habang ang natitirang 258,455 pares ay nananatili pa rin sa Plate Making Plant (PMP) ng LTO para sa packaging.


Ayon pa sa COA, sa kabila ng napakalaking backlog, inatasan ng PMP ang Plate Unit (PU) na ihinto muna ang produksiyon ng plaka dahil sa kakulangan ng blank plates para mapunuan ang produksiyon ng replacement plate at ng plaka para sa bagong rehistrong sasakyan para sa 2023.


Nabatid na ang natitirang 20,509,807 bagong plaka ng motorsiklo na binili mula 2014 hanggang 2022 ay nasa 8,650,311 lamang ang na-produced at naisyu ng PMP at PU ng LTO kung saan ay nasa 11,859,496 ang backlog sa plaka hanggang Disyembre 2022.


Kung COA ang tatanungin, ang mga hindi naideliber na replacement MV plates at Motorcycle (MC) backlog ay indikasyon na may pagkukulang ang LTO sa kanilang mandato dahil hindi naibigay ang mga plakang nabayaran na ng mga car owners.


Nakalap natin na ang Department of Budget and Management (DBM) ay naglabas ng pondo para sa 2018 hanggang 2022 na requirement sa MC backlogs, pero ang produksyon ng MC backlogs para sa CY 2017 pababa ay naiwan dahil sa kakulangan ng pondo.


Para sa 2023, ang LTO ay humingi ng budget na P6,828 bilyon upang matugunan ang kasalukuyang backlog ngunit ang DBM ay inaprubahan lamang ang halagang P4,783 bilyon kaya may katuwiran na naman ang LTO na hindi ito makumpleto dahil sa kakulangan na naman sa pondo.


Ngayon heto, kung dati ay naubos na pasensiya ng mga motorista laban sa LTO dahil sa backlog ng license plate, ngayon ay nabaliktad naman ang sitwasyon dahil nagbabala ang ahensya ng parusa laban sa mga hindi pa nagki-claim ng kanilang plaka.


Binigyan ng LTO ng 60 araw na palugit ang mga may-ari ng sasakyan para i-claim ang kanilang mga bagong plaka at kapag nabigo ang mga ito ay maaari silang parusahan.

Tutal matagal na naman tayong nagtitiis sa sistema ng LTO, baka puwedeng dagdagan pa natin ang pasensya dahil sa tingin ko ay malapit nang maging normal ang operasyon ng LTO — bigyan natin ng pagkakataon ang bagong pamunuan ng LTO, baka sakali!



 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page