ni Mai Ancheta | May 20, 2023
Pinagbawalan ang mga personnel ng Land Transportation Office (LTO) pati na ang mga deputized agents na mangumpiska ng plaka ng motorsiklo.
Ito ang inilabas na direktiba ni LTO Chief Jay Art Tugade kasunod ng mga natanggap na reklamo at pagtatanong sa kanyang tanggapan kung makatwiran bang kumpiskahin ang plaka ng mga motorsiklong nahuhuli sa lansangan.
Dahil dito, naglabas si Tugade ng memorandum kung saan pinagbawalan ang kanilang mga tauhan at deputized agents na mangumpiska ng plaka ng motorsiklo.
"To avoid further confusion, all LTO enforcement personnel and its deputized agents shall be prohibited from confiscating motor vehicle licenses plates in lieu of the physical impoundment of the apprehended motor vehicles," anang memorandum ni Tugade.
Nakasaad pa sa memo na kahit pa mayroong parusa para kumpiskahin, suspendihin o bawiin ang rehistro ng motor o kaya ay i-impound, hindi agad-agad itong ipapatupad.
Ganito rin sa kaso ng lisensya ng driver o student permit, pati na sa pagbawi sa motor dahil kailangan munang isailalim sa alarma hanggang sa ganap na maipatupad ang parusa.
Comments