ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | january 6, 2024
Mistulang “mamon” na lumambot sa kanilang paninindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) makaraang palawigin pa nila ang deadline para sa konsolidasyon ng traditional jeepney sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na nauna nang itinakda noong nakaraang buwan.
Walang nagawa ang LTFRB sa patuloy na pakikipagmatigasan ng ilang transport group na hindi lalahok ang mga ito sa itinakdang konsolidasyon na may deadline noong Disyembre 31, 2023, sa kabila ng mga banta ng ahensya na aalisan ang mga ito ng prangkisa at hindi na makababalik sa kalye para mamasada.
Matatandaan na maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay nagbigay ng pahayag na kailangang ipatupad ang itinakdang deadline para sa konsolidasyon ng traditional jeepney na madiing tinutulan ng ilang transport group dahil sa paniniwalang ito na ang simula ng pag-phaseout ng traditional jeepney sa bansa.
Nabuhayan ang transport group nang palawigin ng LTFRB ang deadline sa Enero 31, 2024 para sa consolidated PUV operators kung saan una nang itinakda noong Disyembre 31, 2023.
Maituturing na tagumpay sa panig ng transport group ang pagpapalawig na ito ng LTFRB. Kumbaga sa boksing, nakaungos ng bahagya ang ipinaglalaban ng transport group.
Kaugnay nito, lumakas naman ang panawagan ng transport group sa Korte Suprema na maglabas na ng pinal na desisyon hinggil sa kanilang apela upang maiwasan na ang krisis sa transportasyon.
Samantala, ang LTFRB ay nag-isyu ng panibagong guidelines makaraang mabigo ang itinakdang pagpapatupad ng panuntunan hinggil sa konsolidasyon.
Nag-isyu ang LTFRB ng Memorandum Circular, kung saan dinetalye na ang PUVMP ay matutuloy ngayong taon partikular na para makasiguro na mayroong sapat na PUV services para sa mga commuter at upang maiwasan din ang transportation crisis lalo pa at nagsimula na uli ang pagbubukas ng klase.
Sa ngayon ay inuumpisahan na ng LTFRB na walisin ang lahat ng mga unconsolidated traditional jeepney sa kalsada at hindi na sila pinayagan pang mamasada simula ng araw ng taong ito.
Maliwanag na hindi pa rin tapos ang usaping ito sa pagpasok ng Bagong Taon sa dahilang matigas pa sa bato ang transport group at nanindigang hindi sila pahahawak sa leeg at tuluyan nang makapasok sa pain ng kagawaran.
Inihayag ng transport group na 20 porsyento lamang sa mga jeepney operator ang lumahok sa alok ng LTFRB na konsolidasyon samantalang 80 porsyento naman sa kanila ang nananatiling kontra sa ahensya.
Sinabi naman ng transport group na MANIBELA na ang 20 porsyentong lumahok sa konsolidasyon ay tinakot umano lamang at hinarass ng LTFRB na hindi sila bibigyan ng prangkisa kung hindi aayon dito.
Ayon pa sa MANIBELA, hindi sila naniniwala sa matamis na pananalita at kapahamakan lamang ang naghihintay sa kanila sa dulo ng lahat ng ito kung paniniwalaan nila ang alok ng ahensya.
Sa kabilang panig, nanindigan naman ang LTFRB na maglalabas pa sila ng karagdagang guidelines sa mga susunod na araw sa isasagawang press conference sa tuluy-tuloy na implementasyon ng transport modernization program.
Iginiit ng ahensya na halos 60 porsyento na ng transport operators, ang naitalang lumahok sa kanilang programa na taliwas naman ito sa inihayag ng MANIBELA na 20 porsyento lamang.
Hindi pa rin matiyak kung saan hahantong ang problemang ito sa pagitan ng LTFRB at ng traditional transport group na sana ay parehong magwakas nang mahinahon at paborable para hindi naman magsakripisyo ang mga pasahero at hindi lubusang makaapekto sa ating ekonomiya.
Sana sa pagkakataong ito, maglabas na nga ng desisyon ang Korte Suprema para tuluyan nang matapos ang usaping ito.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments