ni Jasmin Joy Evangelista | March 9, 2022
Balik-operasyon na ang Provincial Public Utility Buses (PUBs) sa Inter-regional Routes, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes.
Sa inilabas na Memorandum Circular No. 2022-023, sinabi ng LTFRB na lahat ng PUB operators na may valid Certificate of Public Convenience (CPC), Provisional Authority (PA), at Special Permits ay papayagan nang magbalik-operasyon at gumamit ng designated end-point terminals papunta at palabas ng Metro Manila.
Ang mga expired na ang CPC pero nakapag-file ng Application for Extension of Validity bago ang expiration nito, ay papayagan na ring magbalik-operasyon sa mga nasabing ruta base sa Memorandum Circular No. 2022-023.
Sa pamamagitan nito, ang mga inter-regional routes kabilang ang provincial commuter routes na manggagaling sa Calabarzon ay papayagan nang magbalik sa orihinal nitong terminal — Araneta Bus Terminal, Cubao — via C5.
Gayunman, ang mga provincial commuter routes na may pre-COVID endpoints sa Buendia, Makati, Pasay, at Manila ay patuloy na magiging end-point ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) kabilang ang mga manggagaling sa remote parts ng South Luzon tulad ng Quezon, Mimaropa, at Bicol.
Puwede na ring magsakay at magbaba ng pasahero ang mga provincial buses mula Visayas at Mindanao na patungong Metro Manila sa Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT).
Pinaalalahanan naman ng LTFRB ang mga PUB operators na siguruhing may QR Code ang bawat awtorisadong unit bago pa man ito ibiyahe. Ang QR code ay puwedeng i-download sa website ng LTFRB at i-print sa short bond paper (size 8.5 “× 11”) at ipaskil sa front windshield ng bus.
“Sa mga nais naman bumiyahe, paalala pong muli na kailangang sundin ang ating mga health and safety protocols para sa ligtas na byahe,” ayon pa sa LTFRB.
Comments