ni Jasmin Joy Evangelista | December 21, 2021
Nag-abiso ang LRT-1 private operator Light Rail Manila Corporation (LRMC) sa mga commuter na nakatakdang paikliin ang operating hours ng tren sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon.
Sa inilabas na abiso ng Light Rail Manila Corporation (LRMC), sa December 24 o Christmas Eve, ang last trip mula sa Baclaran Station ay aalis ganap na 8:15 p.m. mula sa dating 9:15 p.m. na departure sa regular weekends/holiday schedule.
Sa December 31 naman, ang last trip mula sa Baclaran Station ay aalis ganap na 7:00 p.m. at ang last train mula Balintawak Station ay aalis nang 7:15 p.m.
Magsisimula naman ang operasyon ng LRT-1 sa mga nasabing petsa ng alas-4:30 ng madaling araw.
Nilinaw din ng pamunuan na mananatili ang operasyon ng tren sa December 25, December 30, at January 1 alinsunod pa rin sa schedule ng regular weekends/holiday.
Samantala, mananatili pa rin na pansamantalang suspendido ang operasyon sa Roosevelt Station upang magbigay-daan sa isinasagawang Unified Grand Central Station na magko-connect sa mga istasyon ng LRT-1, MRT (Metro Rail Transit System)-3, at MRT-7.
Comments