ni Lolet Abania | January 22, 2022
Magdudulot ang namataang isang low pressure area (LPA) ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa buong Caraga at Eastern Visayas, habang ang Northeast Monsoon (Amihan) ay makaaapekto sa Northern at Central Luzon, batay sa ulat ng PAGASA ngayong Sabado.
Ayon sa 4PM weather forecast ng PAGASA, ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region (CAR), Aurora, at Quezon ay makararanas ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dulot ng Amihan.
Makararanas naman ang Metro Manila, Ilocos Region, at ang natitirang bahagi ng Central Luzon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pabugso-bugsong mahinang pag-ulan.
Habang ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may kasamang pabugso-bugsong pagbuhos ng ulan o thunderstorms na posibleng magdulot ng mga pagbaha o landslides sa panahon ng severe thunderstorms.
Sa wind speed forecast ng PAGASA sa natitirang bahagi ng bansa, katamtaman hanggang sa malakas na pagbugso habang ang coastal waters ay magiging katamtaman hanggang sa mabigat na pag-alon nito.
Ang araw ay sisikat ng alas-6:25 ng umaga ng Linggo.
Comments