ni Lolet Abania | March 5, 2022
Huling namataan ang isang low pressure area (LPA) na nasa layong 540 kilometro silangan ng Surigao City bandang alas-3:00 ng hapon ngayong Sabado, ayon sa PAGASA.
Batay sa 24-hour weather forecast ng PAGASA, inaasahang magdudulot ang LPA ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa bahagi ng Visayas, Caraga, at Davao Region.
Ayon sa PAGASA, makararanas din ang Central Visayas at Eastern Visayas, maging ang Caraga at Davao regions ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pagbuhos ng ulan at thunderstorms na posibleng may kasamang flash floods o landslides dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na mga pag-ulan dulot ng LPA.
Makararanas naman ang Metro Manila at ang natitirang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pabugsu-bugsong pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies o localized thunderstorms na posibleng may kasamang flash floods o landslides sa severe thunderstorms.
Sa wind speed forecast naman ng PAGASA para sa Northern Luzon ay mahina hanggang sa katamtaman habang ang coastal water conditions ay bahagya hanggang sa katamtaman.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang wind speed at bahagya hanggang sa katamtamang coastal water conditions.
Comments