top of page
Search
BULGAR

Low carbohydrate diet, mabisang gamot sa mild diabetes

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Oct. 29, 2024




Dear Doc Erwin,


Nabasa ko ang inyong nakaraang artikulo tungkol sa kape at sa magandang epekto nito sa mga moderate coffee drinkers, katulad ng pagbaba ng blood sugar level at pagbaba ng risk na magkaroon ng diabetes, sakit sa puso at stroke. Maraming salamat sa impormasyon na ito, makakatulong ito sa akin. 


Regular akong nagpapa-check ng aking blood sugar level at sa nakaraang mga buwan ay tumataas na ito. Dahil dito ay minabuti ng aking doktor na regular ako na painumin ng gamot upang bumaba ang aking blood sugar.


Nais ko sana na maitigil ang pag-inom ng gamot na ito at natural na mapababa ang aking blood sugar level. Makakatulong ba na bawasan ko ang pagkain ng matatamis, ng mga pagkain na mayaman sa carbohydrates? Sapat ba ito upang mapababa ang blood sugar level ko? 

— Dominador


 

Maraming salamat Dominador sa iyong pagliham at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ang sagot sa iyong mga katanungan ay mababasa sa isang scientific article sa Journal of Clinical Endocrinology & Metabolism. Sa pananaliksik na ito na isinagawa at pinangunahan ng Department of Nutrition Sciences ng University of Alabama sa bansang Amerika ay pinag-aralan ng mga dalubhasa ang epekto ng pagkain ng low carbohydrate diet sa insulin level at blood sugar level ng may mild diabetes (Type 2 diabetes). Inilathala ang resulta ng pag-aaral na ito nito lamang October 22, 2024.


Sa mga indibidwal na may mild Type 2 diabetes na kumain ng mga pagkain na mababa ang carbohydrate content ay nakitaan ng pagtaas ng insulin level at pagbaba ng blood sugar level. Ang ibig sabihin ay naging mas aktibo ang mga beta cells ng kanilang katawan na mag-produce ng insulin. Dahil sa pagtaas ng insulin level, naging mas epektibo ang paggamit ng glucose ng kanilang katawan, dahilan kung bakit bumababa ang blood sugar level.


Ang ibig sabihin ng resulta ng clinical trial na nabanggit ay maaaring ma-recover ang function na mag-produce ng insulin ng mga beta cells sa ating katawan sa pamamagitan ng natural na paraan na pagbabawas ng pagkain ng carbohydrates. Ang isang popular na paraan upang gawin ito ay ang pagkain ng ketogenic (“keto”) diet. Ang keto diet ay hindi lamang isang uso o popular na slimming diet kundi isa ring mabisang diet na ginagamit ng mga dalubhasa upang gamutin ang mga cancer patient.


Paalala lamang na ang pag-aaral na nabanggit ay isinagawa sa mga may mild na diabetes lamang at isinagawa ang pagtigil sa pag-inom ng gamot at pagkain ng low carbohydrate diet ng may supervision at monitoring ng doktor. Kung ninanais na itigil ang pag-inom ng gamot na pampababa ng blood sugar at natural na pababain ang blood sugar level sa pamamagitan ng pagkain ng low carbohydrate diet, mas makakabuti na isangguni ito sa iyong doktor.



 

Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page