ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Pebrero 19, 2024
Dear Doc Erwin,
Ako ay 45 years old, may asawa at mga anak. Maagang namatay ang aking ama at ina dahil sa sakit sa puso at diabetes. Dahil dito, naging maingat ako sa aking katawan.
Araw-araw akong nag-e-exercise at maingat sa mga kinakain.
Nabanggit sa akin ng aking isang malapit na kaibigan na may mga nabasa siya na mga paraan upang maging mahaba ang ating buhay, maging masigla ang pangangatawan at makaiwas sa mga sakit. Nabanggit ng aking kaibigan ang tinatawag na “Longevity Diet" . Ano ba itong diet na ito? Makakatulong ba ito na humaba ang aking buhay?
Maraming salamat. -- Justo Miguel
Maraming salamat, Justo Miguel sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc column. Ganu’n din sa iyong pagbabasa ng column at ng BULGAR newspaper. Sisikapin namin na masagot ang iyong mga katanungan, ayon sa mga pananaliksik ng mga dalubhasa tungkol sa Longevity Diet.
Ang Longevity Diet ay isang uri ng diet na binuo ng isang tanyag na mananaliksik na si Dr. Valter Longo, isang propesor ng Gerontology at Biological Sciences sa University of Southern California sa Amerika.
Si Dr. Longo rin ang director ng Longevity Institute sa nasabing unibersidad. Ang Longevity Institute ay nangungunang research center tungkol sa aging (pagtanda) at mga sakit na karaniwang kaakibat ng pagtanda (age-related diseases). Si Dr. Longo ay siya ring director ng Longevity and Cancer Program sa Milan, Italy at founder ng Create Cures Foundation.
Sa kanyang aklat na may titulong “Longevity Diet: Discover the New Science Behind Stem Cell Activation and Regeneration to Slow Aging, Fight Disease, and Optimize Weight” ay ipinaliwanag ni Dr. Longo kung ano ang Longevity Diet.
Ayon sa kanya ang Longevity Diet na ito ay base sa Five Pillars of Longevity na mga pananaliksik sa iba't ibang larangan katulad ng Juventology research, Epidemiological research, Clinical studies, Centenarian studies at mga studies on complex systems.
Dahil dito, ang Longevity Diet ay binuo mula sa maraming mga pananaliksik na isinagawa ni Dr. Longo at ng marami pang mga dalubhasa sa larangan ng longevity studies.
Ano nga ba ang nagagawa ng Longevity Diet?
Paliwanag ni Dr. Longo, ang diet na ito ay nagpapahaba ng ating “healthy lifespan” at napapababa ang ating risk na magkaroon ng iba’t ibang karamdaman katulad ng sakit sa puso, cancer, diabetes at mga autoimmune diseases.
Anu-anong mga pagkain ang dapat kainin upang masunod ang Longevity Diet?
Ayon sa isinulat na aklat ni Dr. Longo, kailangan manggaling ang ating mga kinakain sa gulay at isda (pescetarian diet). Maaari lamang kumain ng isda ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo. Umiwas sa mga isda na karaniwang mataas ang mercury content, katulad ng tuna, swordfish, at mackerel. Kung ang iyong edad ay lampas 65 na, maaaring dagdagan ng protina ang kinakain, katulad ng protina na galing sa itlog at cheese (tulad lamang ng feta o kaya ay pecorino).
Sinabi ni Dr. Longo, mas hahaba ang ating buhay kung kakain lamang ng kaunti, ngunit sapat na protina. Maaaring kumain ng mula 0.31 to 0.36 gramo ng protina bawat pound of body weight. Dapat manggaling ang protina sa mga legumes, nuts at isda. Umiwas sa mga karne at keso.
Kailangan ding magdagdag ng healthy fats, mga good unsaturated fats na galing sa olive oil, salmon, almonds at walnuts. Dapat ding magdagdag ng mga complex carbohydrates katulad ng galing sa whole bread, legumes at mga gulay. Umiwas sa pasta, rice, bread, prutas at mga fruit juices.
Ayon sa Longevity Diet, nararapat na kumain lamang ng isa hanggang dalawang meal sa isang araw. Sa mga may edad na, mas advisable na hatiin ang isang meal sa dalawang beses upang maiwasan ang indigestion. Mas makakabuti rin kung mag-o-observe ng time-restricted feeding kung saan kakain lamang sa loob ng hindi lalagpas sa 11 hanggang 12 oras. Makakabuti rin na magkaroon ng five-day fasting, o kaya ay pagkain ng tinatawag ni Dr. Longo na fasting-mimicking diet o FMD sa loob ng limang araw, dalawang beses sa isang taon.
Ang Longevity Diet ay base sa maraming pananaliksik. Kasama rito ang mga pag-aaral sa mga lugar na tinatawag na Blue Zones, kung saan marami ang mga centenarian o mga tao na nabubuhay na higit sa isandaang taon. Base rin ito sa mga epidemiological at laboratory studies kung saan napatunayan na ang mga pagkain at mga paraan na nabanggit ay nakakatulong upang ma-activate ang mga longevity genes, ang mga stem cells, at nare-recycle ang mga damaged at cancerous cells.
Sana ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtangkilik sa BULGAR newspaper at sa Sabi ni Doc column.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments