top of page
Search
BULGAR

Long-term vision para sa sektor ng edukasyon

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | April 30, 2024




Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian

Inihain ng inyong lingkod ang National Education Council Act (Senate Bill No. 2017) para matugunan ang kawalan ng long-term vision o pangmatagalang plano sa edukasyon. 


Sa ating panukala, iminumungkahi natin na bumuo ng National Education Council (NEDCO) na lilikha ng national education agenda at paiigtingin ang ugnayan sa tatlong ahensya ng edukasyon sa bansa — ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). 


Patuloy kasi ang pagbabago ng mga skills at ang pangangailangan ng mga industriya kaya kailangan natin ng long-term vision para iisa lang ang ating direksyon pagdating sa pagpapatupad ng mga programa sa sektor ng edukasyon. 


Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa NEDCO na gawing institutionalized ang isang sistema ng koordinasyon sa buong bansa pagdating sa pagpaplano, pag-monitor, pagsusuri, at pagpapatupad ng national education agenda.


Layon nitong tiyakin na sumusunod sa isang estratehiya ang DepEd, CHED, at TESDA, at maiwasan ang mga posibleng overlap at kakulangan na magdudulot ng hindi magkakaugnay na mga polisiya, programa, at plano. 


Upang maiangat ang performance ng mga mag-aaral, kasama sa mga magiging mandato ng NEDCO ang pagpapatupad ng isang action agenda para matulungan ang bansa na magtagumpay sa edukasyon at magkaroon ng mataas na marka sa mga batayang tulad ng National Achievement Test, Programme for International Student Assessment, Education Index, Education for All Development Index, at iba pa. 


Mayroon naman nang nilikha noon na mga lupon, tulad ng National Coordinating Council for Education (NCCE) sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 273 s. 2000 at ng Presidential Task Force to Assess, Plan and Monitor the Entire Educational System sa ilalim ng EO No. 652 s. 2007 — pero marami sa mga layuning ito ang hindi natupad nang hatiin sa tatlong sektor ang buong sistema ng edukasyon o ang tinatawag na Trifocalization of Education System. 


Inirekomenda na ng 1991 Commission on Education (EDCOM) ang paghahati sa tatlong ahensya ng sistema ng edukasyon sa bansa. Ngunit inirekomenda rin ng 1991 EDCOM na magkaroon ng isang national council para matiyak ang ugnayan sa polisiya ng tatlong mga ahensya. 


Kadalasa’y hindi natin napupuna o kinikilala ang mga teknikal ngunit mahahalagang hakbang upang gawing mas epektibo ang paghahatid ng edukasyon sa mga kabataan, tulad nitong national council para sa edukasyon. 


Kaya naman bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy nating titiyakin na maipapatupad ang mga patakaran, programa, at polisiya na makakapagpabuti sa sistema ng edukasyon sa bansa.


Upang magtagumpay tayo rito, walang patid tayong makikipag-ugnayan sa iba pang mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, sektor ng pagnenegosyo, akademya, at iba pang mga public at private stakeholders na may mahalagang papel sa sektor ng edukasyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page