top of page
Search
BULGAR

Lolong namaril ng taxi driver, pinuri pa sa social media

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 27, 2023


Bagama’t hindi tamang pamarisan ang ginawa ng isang senior citizen na bigla na lamang binaril ang isang taxi driver ay tila umani pa ito ng papuri sa mga netizen na karaniwang biktima rin umano nang pagtanggi ng mga taxi driver.


Tila nagkakaroon na ng taliwas na pangangatwiran ang marami sa ating mga kababayan dahil sa ramdam na ang bigat na dinadala sa kanilang mga dibdib laban sa mga abusadong taxi driver wala namang magawa ang ating commuters kung hindi ang magpasensya.


Napakatagal na kasi ng mga reklamo laban sa mga abusadong taxi driver ngunit wala namang permanenteng solusyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensya ng pamahalaan hinggil dito.


Hindi lang kasi mga commuters ang apektado rito kundi maging ang mga matitinong taxi driver na ang hangad lang ay maghanapbuhay nang tama at sumusunod sa batas dahil nadadamay sila sa napakapangit na imahe ng taxi driver sa bansa.


Pangkaraniwan sa mga taxi driver na tatanungin muna ang pasahero kung saan pupunta habang nakababa lamang ng bahagya ang bintana ng sasakyan at kapag ayaw nila ang pupuntahan ay bigla na lang papaharurutin ang kanilang taxi ng walang sabi-sabi.


Madalas ay sira ang metro ng mga tiwaling taxi driver, kasunod nito ay mag-aalok na ng kontrata at walang magawa ang pasaherong nagmamadali kundi ang pumayag at madalas ay hindi pa nasusuklian binayad.


“Pasensiya na po kakain muna ako o kaya ay pagarahe na po ako,” ito ang ilan sa karaniwang dahilan ng mga taxi driver na namimili ng pasahero at naghihintay lang ng malaking alok mula sa pasahero lalo na sa panahon ng rush hour o kaya ay umuulan.


May mga taxi driver pa na kapag sumakay ang isang pasahero ay panay ang palatak at pag-iling-iling dahil bumper to bumper ang daloy ng trapiko at tila sinisisi pa ang pasahero kung bakit sumakay-sakay ito.


Ang mga problemang ito ng mga taxi driver ay araw-araw na nangyayari habang maraming mga kababayan nating senior citizen o persons with disability (PWD) na bago makasakay ay kailangang magbayad muna sa mga ‘barker’ na tumatayong ‘middleman’ na siyang nakikipag-usap sa mga taxi driver.


Marahil, ito ang lumukob sa katauhan ng isang 64-anyos na lalaki na bigla na lang nagdilim ang paningin at agad na binaril ang isang taxi driver na tumanggi siyang ihatid sa Cubao, Quezon City noong nakaraang Miyerkules ng hapon.


Mabuti na lamang at hindi napuruhan ang naturang tsuper ng taxi at kasalukuyang ginagamot dahil sa tinamo niyang tama ng baril ngunit sa halip na makakuha ng simpatya ay tila siya pa ang sinisisi kung bakit nangyari ang naturang pamamaril.


Heto ngayon at nanawagan ang Philippine National Police (PNP) na maging mahinahon ang mga may-ari ng baril. Subalit, sa rami ng kasalanan ng mga taxi driver na nagsama-sama na at tulad n’yan na merong isang sumabog sa galit, posibleng mangyari ito sa mga susunod na pagkakataon na huwag naman sana.


Santambak naman ang operatiba ng Highway Patrol Group (PNP-HPG), Land Transportation Office (LTO) at iba pa, dapat ay araw-araw na seryosong hinuhuli ang mga tiwaling tsuper na kundi man kayang ubusin dahil sa sobrang dami ay mabawasan man lang.


Sa bansang Taiwan, may isang tourist guide ang nagsasabi sa mikropono na mababait umano ang mga Pilipino maliban lang sa mga taxi driver na puro manloloko — damay lahat pati matitino.



 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page